Una sa Balita

Editorial: Salamat sa pagbaba ng crime rate kaya lang…

0 203

Walang duda na talagang napababa ang crime rate sa bansa ng bagong pasok na administrasyon.

Hindi rin maitatanggi na may dalang nginig sa kata­wan ng mga kriminal itong ‘kamao’ ni Pangulong Digong Duterte.

Isipin na nga lang na halos umabot na sa 600,000 ang sumuko sa pulisya, barangay officials at mga mayor sa ­buong bansa. Mahigit isang buwan pa lamang na nakakaupo si Pangulong Duterte.

Kahit si Sen. Panfilo Lacson, bumilib sa epekto ng bagong Pangulo sa pasaway na mga drug personalities. Kusang umamin at nangakong magbabago ang mahigit ­kalahating milyong Pinoy na ito. Natakot talagang bumulagta sa kalsada!

Bukod pa ito sa halos 5,000 namang naaresto sa illegal drug operations ng pulisya.

E kung ang mga adik at small-time pusher nga ay nanga­takot – me rekord man o wala – iyun pa kayang ibang kriminal? Kapag naaktuhan silang nagnanakaw o nanga­ngarnap o nanghoholdap, alam nilang baka agad-agad din silang bumulagta.

Hindi ba’t sa mga lumalatag na bangkay sa kalsada, hindi lang naman “pusher ako” ang nakasulat sa ibinabagsak na cardboard sa kanila? Meron ding “snatcher ako, wag tularan” o kaya “kilabot na holdaper ng EDSA”.

Hindi pa man naibabalik ang parusang bitay sa bansa, parang deterrent na ng krimen itong ‘bulagtaan’ sa kalsada na hindi lang kinukunsinti kundi may ‘basbas’ pa mula mismo ng Pangulo.

Pero paano naman ikaklasipika ang mga patayan na hindi raw gawa ng pulisya? Hindi ba krimen ito? Dapat kasama ito sa crime index. Eh kung tumaas ang patayan, paanong masasabi na bumaba ang krimen sa bansa.

Sa kabuuang 556-kataong bumulagta dahil hinihinalang drug personality sila, 326 lang daw ang kumpir­madong napatay ng mga pulis sa lehitimong operasyon at ang 230 ay napatay ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa loob lang ng mahigit isang buwan, 230 ang pinaslang ng hindi nakikilalang mga salarin. Paanong masasabing bumaba ang crime rate?

Ang masakit kasi, dahil sobrang natutuwa ang publiko sa pagpuksa sa mga durugista na itinuturing ng marami na salot sa lipunan, tila hindi na sila itinuturing na biktima ng krimen. Numero na lang sila.

Huwag naman sana tayong mamanhid sa nangyayaring bulagtaan. Ang pagpatay ay krimen. Tulad din iyan ng kidnapping, carnapping, holdup, smuggling, rape, akyat-bahay at iba pa. Kasama dapat sila sa crime index at hindi dapat tratuhing hiwalay na usapin – ng pulisya man o ng publiko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More