Una sa Balita

EDITORIAL: Salamat sa basag-monopolyo!

0 3

Talagang happy news itong pagpasok ng regular taxi sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Panahon na talaga para ibukas muli sa regular taxi ang airport.

Pumayag na rin ang mga concessionaire na airport taxi dahil nakita nilang kulang talaga ang kanilang yunit para serbis­yuhan ang bultong pasahero. Nakakaawa naman talaga ang mga pasaherong nagtitiis ng mahabang pila para makauwi.

Marami sa mga biyaherong ito ay mga overseas Filipino Workers (OFWs) na excited nang makita ang kanilang pamil­ya. Pero bumibilang ng oras bago sila makasakay sa taxi dahil nga kulang na ang airport cabs.

Abante Hiring – IT dep

Sabi sa ulat, taong 1990s nang ipagbawal ang pagpasok ng regular na taxi sa airport dahil sa talamak na extortion, holdap at ‘ambus’ sa mga airport passengers. Para malutas ang isyu ng seguridad, minabuting eksklusibong ipahawak sa ku­walipikadong concessionaire ang paghahatid sa mga pasahero pauwi o patungo sa kanilang destinasyon mula sa airport. Dito na ipinanganak ang monopolyong airport taxi.

Mas mahal na ang metro, konti pa ang yunit. Talagang hindi na kayang serbisyuhan ang dagsang airport passengers kaya panahon na talaga para papasukin na ulit ang mga regular taxi.

Related Posts

Kung paano ang sistema sa airport taxi noon ganoon pa rin ngayon. Mayroong information slip na ibibigay sa pasahero kung saan nakalista ang kumpletong detalye ng taxi, mula sa plaka, operator at pati na ang hotline ng operator.

Hindi klaro kung naka-log sa mismong airport terminal ang pumapasok na mga taxi para sumundo ng pasahero.

Napakahalaga ngayon na habang pinapagaan ang serbisyong transportasyon sa pangunahing paliparan sa bansa ay napapangalagaan pa rin laban sa mga masasamang-loob ang mga pasahero, lalo na nga ang mga OFWs na nag-uuwi ng pasalubong sa kanilang mga mahal sa buhay.

Bagama’t marami ang natutuwa sa hakbang ng Manila International Airport Authority (MIAA), may ilan pa rin na mas kampante na sa airport taxi sumakay. Hindi bale na raw pumila at magbayad nang mas mahal, basta siguradong safe at walang holdap.

Ayos ito! Ito ang konsepto ng ‘free trade’. May opsyon dapat ang mga konsumer at pasahero kung alin ang gusto nilang produkto o serbisyo at kung ano lang ang kaya ng kanilang bulsa.

Sana ay umpisa pa lang ito sa mga basag-monopolyo. Isunod na ang matagal nang inaangalang monopolyo ng Manila Electric Company (Meralco).