Una sa Balita

Editorial: Parang walang ‘konek’!

0 63

Mula pa noong kampanya hanggang sa pagbisita ni Pangulong Digong Duterte sa mga kampo ng pulisya at mga sundalo, paulit-ulit ang kanyang pangako sa kanila: umento!

Noong bago mag-eleksyon, ang sabi niya, ang ideal daw na suweldo ng isang pulis ay P100,000 kada buwan para hindi natutukso sa iligal na mga sideline, lalo na ang pakikipagsabwatan sa mga sindikato.

Pagkatapos ng eleksyon at nanalo si Pangulong Duterte, sinasabi naman niya na hindi lang mga pulis kundi pati mga sundalo, tataasan niya ng sweldo. Doble ng tinatanggap ngayon kung maaari at mararamdaman daw ang dagdag sahod sa Disyembre 2016.

Syempre, pumapalakpak ang mga kababayan nating naka-uniporme. Malaking bagay ito sa kanilang pamilya. At dahil mismong ang Pangulo ang nagsalita, aasahan ta­laga nilang mangyayari ito. Si PDU30 pa! Kapag sinabi, ginagawa talaga!

Ang kaso lang, ilang beses na ring sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno na wala sa budget ngayong taon ang umento sa mga pulis at sundalo. Nakupo! E, inaasahan na ‘yan!
Ang remedyo ni Sec. Diokno na siyang taga-budget ng pera ng gobyerno, baka puwede raw dagdagan na lang ang tinatanggap na allowance. Lalaki rin ang take home pay pero hindi papasok sa basic salary ang increase. Bukod pa rito, hindi talaga uubra na maibigay ang “pagdoble sa sweldo” sa isang iglap lang. Baka raw puwede kung sa loob ng tatlong taon. Unti-unting increase.

Maiintindihan naman ang paliwanag ng kalihim. May batas na gumagabay sa salary adjustment ng lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno. Naka-‘salary grade’ o may level-level ang sweldo ng mga government employees.

Ang masakit nito, hindi puwedeng i-adjust o lakihan ang sweldo ng isa o dalawang grupo ng government employees nang hindi ia-adjust ‘yung mga ka-level nito sa ‘salary grade’.

Naka-grupo kumbaga.

Malaking isyu rin ang paggalaw sa basic salary dahil ito ang pinagbabatayan ng pensyon ng mga pulis at sundalo pagretiro nila. Malaking pera ang isusuka ng pamahalaan sa pangakong ito ng Pangulo at sinasabi na nang deretsahan ng mga economic managers ng administrasyong ito, hindi lang si Sec. Diokno, na imposible ang salary hike ng mga pulis at sundalo.

Ang tanong: Bakit hindi nila pinapayuhan ang Pangulo sa bagay na ito? Bakit nila hinahayaang mangako nang mangako gayong alam nilang ‘suntok sa buwan’ ito? Parang walang konek!

Itong mga sinasabi ng Pangulo, sila ang magpapatupad. Dapat ay magkasundo ang bibig na nagsasabi at ang kamay na gagawa!

Ano ang gagawin nila sa mga pinangakuan? Asang-asa pa naman ang mga pulis at sundalo na tataas ang kanilang sahod bago matapos ang taon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy