Una sa Balita

Editorial: Pagpurga sa drug syndicate, gaano ka-protektado ang mga inosente?

0 12

Kaliwa’t kanan na nga ang patayan. May mga nahuhuli pero itong paglambat sa mga sangkot sa illegal drug activities ay matagal nang tinatrabaho ng Philippine National Police (PNP).

Nakita ang sipag at pursigi ng PNP laban sa mga kriminal nang pamunuan ito ni Director General Ricardo Marquez.

Pero ngayong umentra na ang mga bagong opisyales sa ilalim ng administrasyong Duterte, kitang-kita ang pagsirit ng mga bumubulagta sa mga operasyon ng pulisya.

Abante Hiring – IT dep

Iisa ang kwento. Lumaban daw kaya niratrat. Malinaw kasi ang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte, kapag pumalag “shoot-to-kill”. “Huwag kayong magpapauna!” Ito mismo ang salita ng uupong presidente.

Kahit nga mga sibilyan ay binigyan ng basbas na manghuli o pumatay ng mga kriminal. “Sagot ko kayo” ang dating dahil hindi na mapaparusahan ay may reward pa ang makakabulagta.

Okay na okay talaga ito kung mga berepikado o kumpirmadong drug dealers ang pinupurga. Pero ang palaging tanong: sino ang magsasabi na kumpirmadong kriminal at talagang nagnenegosyo ng illegal drugs ang mga itinutumba?

Malinaw sa ating Konstitusyon na ang korte lang ang pwedeng humatol sa sinuman. Hindi pulis, hindi espiya, hindi parokyano ng droga. Pero sa nangyayaring purgahan, nasaan ang lugar ng korte?

Paano nga kung napagbintangan o tinaniman lang ng droga? May matatakbuhan bang hustisya ang mga i­nosente at kanilang pamilya?

Gaano kaligtas sa kasalukuyang illegal drug war ang mga wala naman talagang kasalanan?