Una sa Balita

Editorial: Pagnilayan ang sariling buhay

0 130

Sobra na ang nangyayaring karahasan sa mundo! Kung naririndi tayo sa mga balita ng kaliwa’t kanang patayan dito sa Pilipinas ngayon, halos ganito rin ang mga pangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bakit nagkakaganito ang tao? Bakit parang punum-puno ng galit at pagkamuhi? Bakit dumarami ang mga kumakapit sa karahasan at sa armas laban sa ‘humanity’?

Napakaraming uri ng pananakit at pamamaslang sa tao na mahirap paniwalaan na magagawa ng isang taong mayroong takot sa Diyos. Nawalan na ba ng lugar ang pagmamahal sa puso ng tao? Wala na bang puwang ang unawa at pagpapatawad?

Gaano katotoo na ang mga taong nasa likod ng pamamaslang, partikular ang nasa likod ng mga terror attacks, ay biktima ng pang-aabuso, ng pagmamaltrato? Sila nga ba ay mga outcast ng lipunan? Mga boses na naghahanap ng hustisya at pagkakapantay-pantay hanggang sa mapagod sila at magpasyang ilagay sa sariling kamay ang pagpaparusa sa kapwa?

Sa mensahe kahapon ng pakikidalamhati ni Pope Francis sa mga biktima ng pag-atake sa lungsod ng Nice sa France, sinabi nitong, “I ask God to convert the hearts of the violent blinded by hate.” Napakahalaga na mabago ang puso ng tao, na manumbalik ang pag-ibig dito upang muling maging masasayang nilikha at may respeto sa buhay at sa kapwa.

Itong nangyayari sa bansa na lumiligwak ang problema ng illegal drugs, base na rin sa libu-libong sumusukong drug users at small-time peddlers, nag-uugat pa rin ito sa pagiging diskuntento.

Related Posts

Marami ang tumatakas sa problema sa pamamagitan ng illegal drugs. Marami ang naghahanap ng panandaliang saya sa masamang bisyong ito. Marami ang nakakita ng ‘easy money’ sa pagbebenta dahil dumami na ang parokyano ng bawal na gamot.

Kung dati, winawasak ng droga ang pamilya, sa pagkakataong ito, tumatakbo sa bisyo ang mga bagets dahil sa dysfunctional families. Sa kwento ng mga batang drug users, lumalabas na wala silang gabay ng magulang at sobrang busy sa pagkayod ang mga nanay at tatay o kaya naman ay hiwalay ang parents kaya sila nagdodroga. Marami rin ang produkto ng hindi kumpletong pamilya dahil nasa abroad ang magulang.

Ang problema ng illegal drugs sa bansa ay nag-uugat pa rin sa kahungkagan ng puso. Kulang. Walang kasiyahan. Puno ng problema. Walang atensyon at walang pagmamahal.

Pati ang gobyerno, pinapasahan ng sisi sa nangyayari sa kanilang buhay kaya nagrerebelde.

Sana lang, gaya ng dalangin ni Pope Francis, muling magisnan ng tao ang kasiyahan ng kalooban. Ngayong weekend, magandang pagnilayan ang sariling buhay. Kapain sa sarili ang naubos na ‘possitivity’.

Nasaan na ang pag-asa, ang saya, ang pagmamahal sa ating puso? Walang ibang makakapagbago ng ating puso at nalihis na pananaw sa buhay kundi ang ating sarili sa tulong ng pananampalataya sa Lumikha.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy