Una sa Balita

Editorial: National ID System sa Duterte gov’t

0 11

Isa si Sen. Gregorio Honasan sa unang nagpahayag ng pag-aalangan sa intensyon ng papasok na gobyernong Duterte na isulong ang National ID System.

Hindi itinago ni Honasan ang reserbasyon sa paha­yag ni President-elect Rodrigo Duterte na “doable” ang National ID System na ipinanukala sa inupuan nitong business forum para raw mapabilis, mapagaan at mapalawak ang public access sa government services, claims at benefits, kasama na rito ang 4Ps na napatatag ng PNoy administration.

“Kailangan i-define what a national ID means. Ano’ng gusto nating ma-achieve doon?” sey ng senador sa pana­yam ng mga reporters. Hindi nga naman pwede na isang aspeto lang ang makita sa proyektong ito.

Bilang isang retiradong military colonel, masasabing may ibang pananaw ang senador sa bagay na ito.

Lalo na nga kung intelligence networking ang pag-uusapan, magiging napakadali ng trabaho ng militar at pulisya para mangalkal ng impormasyon tungkol sa isang si­bil­yan o ordinaryong mamamayan. Magiging one-click lang ito sa ilalim ng National ID System.

Kung walang nangyayaring ‘kababalaghan’ sa ganitong trabaho at kalakaran, walang dahilan para mag-ala­ngan sa planong ito ang isang retired colonel na gaya ni Honasan.

Gayunpaman, hindi naman pwedeng lagyan na lang ng kung anu-anong interpretasyon ang isinatinig na reserbasyon ni Honasan.

Ang eksaktong salita kasi ng senador, “Babalansehin mo. ‘Di ba and’yan ang right to privacy, security? Habang may institutional damage pa tayo baka maging vehicle ‘yun for abuse, ‘yun ang kailangang i-consider.”

Iyon ang pinakamalaking pangamba ng lahat. Pang-aabuso sa panig ng mga nasa poder ng kapangyarihan, lalo na ng mga unipormadong pulis at militar.

Noon pa ito isyu laban sa ideya kaya nga hindi matuluy-tuloy.

Ang tanong ngayon: ang papasok na Duterte government na ba ang tamang pamahalaan na magpatupad nito?

Sa gitna ng serye ng pamamaslang ng pulisya sa “suspected drug links” na ngayon pa lang ay nakukuwestyon na at hinahanapan ng matibay na pruweba – isa rin si Sen. Honasan sa naghahanap ng ebidensya – magiging ligtas nga kaya laban sa pang-aabuso ang ordinaryong mamamayan kung mayroon nang National ID System?

Ito bang one-click ID na bentahe ng mga nakaupo para mabusisi ang buong pagkatao ng isang karaniwang Pinoy, magsisilbi ba itong proteksyon ng publiko o mas malalagay sa panganib o mapaglalaruan ang kanilang buhay at kinabukasan?

Sabi nga ng senador, kailangang maiklaro sa samba­yanan kung ano ang gustong ma-achieve ng Duterte gov’t sa pagpapatupad ng National ID System.