Una sa Balita

Editorial: Mga simbahan dinadayo kahit madaling-araw

0 172

Isang pari ang nagkuwento sa misa kahapon. Pagitan ng alas-dos at alas-tres ng madaling-araw, inimpormahan daw siya ng isang mother butler na maraming tao sa harap ng simbahan.

Napasagsag daw ng silip si Father at nakita nga niyang marami ngang nagkukumpul-kumpol na mga tao sa harapan ng kanilang simbahan. Nang lumapit pa siya para aninagin, nakita niyang kanya-kanyang hawak ng mga nagliliwa­nag na mga cellphones ang mga tao. May nagtataas-baba at mayroong tila pinanggagabay ang hawak na gadget patungo sa kung anong direksyon.

Mga Pokemon hunters at catchers pala!

Laglag balikat si Father habang kinukuwento ito. Nakakalungkot daw na iba na ang rason ng mga tao ngayon sa pagtungo sa simbahan.

Sabi kasi ng ilang manlalaro ng Pokemon Go, basta raw may simbahan o chapel ay siguradong may Pokemon creatures. Landmark daw kasi ang mga simbahan sa GPS-guided na new craze app na ito.

Kunsabagay nga, kahit umuulan at bumabaha dala ng Habagat, at sukdulang nakapayong sa gitna ng parke at pati na sa mga waiting shed, kanya-kanya pa ring Pokemon hunting ang mga nahuhumaling sa larong ito.

Kamakailan ay isang judge sa Cebu ang nagpaskil ng babala sa lahat ng abogado at litigants na ipapakulong at pagmumultahin niya sa salang ‘contempt’ ang sinumang maglalaro ng Pokemon Go sa kanyang sala.

Sabi niya sa kanyang handwritten warning, “walang Pokemon sa sala ko” (sa wikang Ingles).

Itong sentimiyento ng pari ay talaga namang lehitimo. Sino ba naman ang mag-iisip na alas-dos/alas-tres ng madaling-araw ay dadayuhin ng mga tao ang simbahan? Natuwa pa siguro ang pari nu’ng impormahan siya.

Sana man lang daw, dayuhin at bisitahin ang simbahan para sumamba at manalangin sa Diyos na siyang nananahan dito. Huwag naman si Pokemon lang ang sadyain sa “bahay ng Panginoon”.

Pasasaan ba’t lilipas din ang pagkagiliw ng mga Pinoy sa bagong la­rong ito sa mobile phones. Pero sana ay tablan din ng hiya ang mga Pokemon hunters at catchers. Huwag naman sanang ‘bastusin’ ang mga simbahan at daanan o tambayan lang dahil sa Pokemon creatures.

Kung nakakapunta sila sa bisinidad ng mga simbahan sa dis-oras ng gabi o madaling-araw, sana’y bumisita na rin dito sa tamang oras na bukas ito para magdasal.

Mahalaga na manatiling buhay ang pananampalataya sa Diyos at respeto sa kanyang mga simbolo at lugar pana­langinan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy