Una sa Balita

EDITORIAL: Magbukas lang ng pinto sa pagkakasundo

0 149

Maganda ang kinalabasan ng unang araw ng pagdinig ng Senado sa nangyayaring ‘bulagtaan’ sa kalsada mula nang gumana ang deklarasyong giyera ng administrasyong Duterte laban sa illegal drugs.

Naging propesyunal at nagpamalas ng malawak na kaisipan, kapwa ang mga senador at resource persons na dumalo, tulad ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Medyo nasorpresa din yata si Gen. Dela Rosa sa ilang kagulat-gulat na rebelasyon ng mga kaanak ng mag-asawang sinalvage at ng mag-amang napatay sa loob ng presinto dahil nanlaban daw.

May utos nga agad ang hene­ral na baklasin sa puwesto ang mga pulis na sangkot sa krimen, lalo na iyong mga tinatawag na Ninja cops o nagre-recycle ng kanilang nakukumpiskang shabu at illegal drugs para ipabenta.

Wala namang nakitang iri­ngan o kahit anumang anyo ng hostilities. Maayos na naipakita ng komite ni Sen. Leila de Lima na hindi naman inimbitahan ang mga tao roon para hiyain o i-public trial.

Inilalatag lang ang mga kwento ng magkabilang panig ng mga kaanak ng biktima at ng opisyal ng pulisya, lalo na kung saan nangyari ang patayan. Pinakinggan ang testimonya. Kung may malabo sa statement, humihingi ng dagdag na detalye at paliwanag ang mga senador.

Ilang beses na tinayuan ng mga senador na hindi sila tutol sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs at criminalities pero ang nais nilang maputol ay ang “hindi kinakailangang pagdanak ng dugo” lalo kung suspek pa lang naman ang biktima.

Sabi kasi ni Gen. Dela Rosa, ay pagod na rin sila dahil nga merong 3-6 months na deadline na hinahabol para mabura ang drug menace sa bansa. Kung iuutos lang daw ng Pangulo na itigil na ang kampanya ay agad din nila itong susundin.

Dito sa puntong ito ni Gen. Dela Rosa nakikita ang hindi pagkakaintindihan. Hindi nagsasalubong ang kaisipan.

Malinaw na ang iniimbestigahan ay hindi ang “war versus drugs” kundi ang patayan. Hindi rin naman lahat ng patayan ay kinukuwestyon kundi iyong kaduda-duda lang.

Iyong mga kumpirmadong pusher na may koneksyon sa ilang tiwaling pulis na hindi na nakauwi ng bahay matapos mag-intrega (remit) ng kita. Iyong aminadong tulak na ilang beses nang pinakinabangan at pinagkakitaan ng mga scalawags pero napatay habang nasa kamay ng mga pulis.

Sana ay makita rin ng executive department sa ilalim ni Pangulong Duterte na katuwang ang lehislatura sa paglaban sa salot na droga pero kailangang maprotektahan din ang mismong kampanya laban sa mga sumasakay at nagsasamantala para ‘patahimikin’ ang mga drug link.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More