Una sa Balita

EDITORIAL: Maagang paghahanda sa ulan

0 11

editorial cartoonMukhang maaga ang pagpasok ng tag-ulan. Hindi man opisyal na pagwa­wakas ng summer ang nangyayaring pag-ulan pero nararamdaman na ang napapadalas na buhos.

Posibleng dahil na rin ito ng nagpalit-anyong bagyong ‘Crising’ na nga­yon ay low pressure area (LPA) na lamang.

Kung sa pag-alis ni ‘Crising’ ay wala pang kasiguruhan kung sobrang init na naman ang mararanasan o magsusunud-sunod na ang pagbisita sa bansa ng manaka-nakang pag-ulan, may LPA man o wala.

Yaman din lamang na bigla na lamang bumubuhos ang ulan, mabuti na rin na pinaghahandaan na ngayon pa lang ang pagtatapos ng summer.

Magsimula nang maglinis ng kapaligiran, ng mga alulod at daluyan ng tubig, pa­pinturahan at tibayan ang bubong, isaayos ang madadawag na garden, alisin ang mga basyong bote, lata, galon ng tubig, lumang gulong at iba pang maaaring pondohan ng tubig at pamahayan ng lamok.

Habang nakabakasyon din ang mga bata na pumapasok sa 2-semester schools, magandang mapalakas ang kanilang resistensya laban sa sakit.

Importante na matutukan ang kanilang healthy lifestyle ngayong nakababad sila sa bahay at nababantayan ng mga magulang.

Samantalahin ang kumpletong tulog at masustansyang pagkain para sa pagdating ng tag-ulan ay hindi basta-basta tatablan ng sakit.

Sa komunidad, maganda rin na habang nakikibahagi ang magkaka-barangay sa Brigada Eskwela ay mayroon ding ba­yanihan sa paglilinis ng mga kalsada at imburnal, pati na ng mga bakanteng lote at abandonadong bahay.

Mahirap nang mabulaga ng baha. Kadalasan na sa mga unang pag-ulan nagtutulak sa mga kanal at daluyan ng tubig ang mga basura na napondo sa ilang buwan ng tag-araw. Maging ang mga naipong langis sa kalsada mula sa mga sasak­yan, lahat ito ay umaangat sa mga unang pag-ulan.

Totoong hindi mapipigil ninuman ang ngitngit ng kalikasan, lalo na ang malakas na buhos ng ulan pero ang pagbaha at mga sakit, kadalasang naiiwasan kung magiging disiplinado at magkakaroon ng pakialam ang bawat isa.