Una sa Balita

EDITORIAL: Lindol

0 107

Ginulantang ng magnitude 6.5 na lindol kahapon ang Kabisayaan partikular sa bahagi ng Leyte kunsaan naitala ang epicenter ng pagyanig.

Dahil dito, muling napukaw ang malaking takot natin sa matagal nang binababalang ‘big one’ lalo na sa Metro Manila.

Kapag ganitong may mga lindol na nangyayari lalo na kung may kalakasan, naiisip natin ang kinasapitan ng mga kababayan natin na nasalanta ng lindol.

Tanggapin na natin na ang ganitong klase ng kalamidad na dala ng kalikasan ay bahagi na ng ating buhay dito sa Pilipinas dahil tayo ay nasasakop sa sinasabing ‘Pacific Ring of Fire’.

Kaya naman walang tigil ang mga ahensya ng gobyerno sa pagsasagawa ng mga paghahanda at paalala sa mamamayan lalo na’t kinumpirma mismo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hinog at maaa­ring gumalaw anumang oras ang West Valley Fault na siyang sentro ng sinasabing malakas na lindol.

Ilang taon na ring puspusan ang Metro Manila quake drills at simulation exercises para sa relief operations, emergency infrastructure repair, at rescue operations para sa mga biktima ng kalamidad.

At dito, aktibong lumalahok ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para turuan ang mamamayan ng mga dapat gawin kapag ganitong kalamidad.

Mahirap ma-predict kung kailan tatama ang lindol sa isang lugar kahit pa sabihing may mga state of the art ­apparatus na ang Phivolcs para mabantayan ang mga galaw sa ilalim ng lupa.

Kaya naman ang tanging armas na maaari nating gamitin sa ganitong sakuna ay ang sapat na kaalaman sa mga dapat na gawin kapag nangyari na ito sa atin.

Walang tigil ang mga paalala ng mga concerned agencies kung gaano kalaki at kalawak ang maaaring maging pinsala ng sinasabing magnitude 7.2 na posibleng mangyari.

Ang dapat lang nating gawin ay lumahok, isapuso at seryosohin ng mga ginagawang pagsasanay na ito dahil ito ang magsasalba sa atin at mga mahal sa buhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy