Una sa Balita

EDITORIAL: Kaligtasan ng mga bihag

0 6

Kumalat kahapon sa social media ang video footage ni Fr. Chito Suganob, ang vicar general ng Marawi prelature, na una nang napaulat na binihag ng Maute Group kasama ang iba pang sibilyan sa kasagsagan ng sagupaan sa pagitan ng mga ­tropa ng pamahalaan at ng teroristang ­grupo.

Lumabas ang video footage ilang araw matapos na magbigay ng babala­ ang mga awtoridad laban sa mga propaganda na maaaring gamitin o ilabas sa social media. Hindi maitatanggi na malaking ‘concern’ pa rin sa taumbayan ang paglutang nitong video clip ni Fr. Suganob.

Sa unang pagkakataon kasi ay ­lumutang na mayroon umanong 241 bihag ang Maute Group at kasama na nga rito si Fr. Suganob. Ilang araw din na walang balita­ ang publiko kung ano na ang nangyari kay Fr. Suganob at mga kasama nitong binihag ng Maute Group hanggang sa lumabas nga ang video clip nito.

Abante Hiring – IT dep

Maaaring under pressure ang pari habang nagsasalita at ipinaaabot ang kanyang mensahe kay Pangulong Rodrigo Duterte. Puwedeng ang mga bumihag din sa kanila ang ­gumawa nito at nagbabantay sa harap ni Fr. Suganob habang nagsasalita ito at kinukuhanan ng video.

Sa pagkakataong ito hindi maaa­ring balewalain ang video footage ­kahit sabihin pang sa social media ito lumabas at maaaring propaganda.­ Pruweba ito na may mga binihag nga ang Maute Group na kailangang isalba­ ng mga tropa ng pamahalaan.

Nakatutok tayo lahat sa opensiba ng militar at pulisya sa Marawi City. Subalit hindi dapat makalimutan­ ang kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan­ na naiipit sa digmaan.