Una sa Balita

EDITORIAL: Ituring na sariling bahay

0 16

Napapanahon at talaga namang importante itong pakiusap ng Simbahang Katolika sa sambayanan.

Pahalagahan ang kalikasan saan man mapadpad ngayong panahon ng bakasyon.

Palibhasa ay kilalang burara at dugyot ang mga Pinoy kaya abut-abot itong apela ni Balanga Bishop Ruperto Santos. Hindi dapat binabalahura at dinudumihan ang mga pasyalang beaches, mga inaakyat na bundok at pinapasok na mga kuweba.

Mga likas na yaman ito at ang lahat ng uri ng “yaman” ay kailangan o obligadong ingatan at pangalagaan.

Nakakalungkot na mayroong mga beach resort na pinapayagang gawing isang malaking ashtray ang baybayin. Sangkaterbang upos ng sigarilyo ang basta na lang itinatapon sa buhangin.

Walang pakundangan sa perwisyong dulot ng basurang ito. Ni hindi alintana ang katotohanang bibilang ng isang siglo bago tulu­yang mabulok ang isang upos. Pagsama-samahin ang kaha-kahang upos, napakatagal na panahong peperwisyuhin nito ang kalikasan.

Mayroon pang ilang restaurant na sa dagat nagbabanlaw ng mga sebo ng pinaglutuang kawali. Hindi katwiran na malawak ang dagat at kapiranggot lang ang sebong itinapon dito para sabihing okay lang ‘yun.

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Hindi okay ang kahit katiting na kalat at basurang makakapinsala sa lupa, sa tubig at hangin.

Ugaliin sana ng mga Pinoy ang disiplinadong pagtatapon ng kalat kahit saan at kahit kailan.

Isa raw sa katangian ng mga Filipino, ayon sa obserbasyon ng ibang lahi, ay ang kalinisan natin sa katawan. Masipag ta­yong maligo dahil ayaw natin na malagkit tayo o mabaho. Hindi lahat ng tao ay ganito. Nasa kultura na rin ng mga Pinoy ang pagiging malinis sa katawan.

Dapat ay ganito rin ang Pinoy sa kalikasan. Dapat ay maselan din sa pagkakalat. Dapat ay maselan din sa amoy. Dapat ay maselan din sa itsura.

Pinakamabuti marahil, sa bawat pasyalan o bakasyunan na dadayuhin, ituring itong sari­ling bahay. Bagama’t totoong mayroon pa ring mga taong likas na burara, mas natural na asal ang pagiging malinis sa sariling bahay.

Hindi basta-basta nagkakalat at nagtatapon ng kung anu-ano. Sa bahay ay nasanay na rin ang paghihiwalay ng mga klase ng basura. Sa sariling bakuran, hindi basta nagtatapon ng upos ng sigarilyo at hindi rin baboy sa pagtatapon ng sebo.

Ganyan dapat sa mga tinutungong beaches at iba pang bakasyunan!