Una sa Balita

Editorial: Isang lahi, isang bansa para sa ating teritoryo!

0 1,559

Buong bansa ay nagbunyi sa paborableng pasya ng Permanent Court of Arbitration ng UN na nagsasabing walang ‘historic rights’ ang China sa mga teritoryong (karagatan, isla at lahat ng likas na yaman) sinakop nito sa idineklarang “nine-dash line”.

Sa simpleng salita, iligal ang nine-dash line ng China. Kung ang itinayong istruktura, lalo na ang mga military airstrip, ay nasa bahaging idinideklara ng The Hague verdict na hindi dapat sinasakop ng China, dapat ay alisin na ito.

Dapat ding putulin na ang panggigipit at pantataboy ng Chinese warships at coast guard sa mga mangingisdang Pinoy at ng iba pang lahi na gustong mangisda sa bahaging ito ng South China Sea, lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Kaya nga nakakatawa itong panukala ngayon na dahil nanalo na ang Pilipinas sa kaso, panahon na raw para ibalik sa pangalang South China Sea ang WPS para hindi na magali= itong West Philippin Sea para tatakan ng Pilipinas ang teritoryo dahil wala raw itong natamo kundi galit ng China. Wala naman daw ibang kumikilala sa WPS.

Pilipino tayo! Lumaban ang dating Pangulong Aquino para panindigan na sa atin ang bahaging ‘yan ng Spratlys. “Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas!” Ito ang salita ni dating Pangulong Aquino noong 2013 na tinukuran ng Philippine delegation sa napagtagumpayang legal battle.

Pinaboran ng international tribunal ang kaso ng Pilipinas sa China kaya hindi totoo na walang ibang kumikilala sa WPS dahil nanalo tayo sa kaso. Maliwanag ‘yan!

Related Posts

Kung kikilalanin o hindi ng China ang desisyon, problema na nila ‘yan. Ang UN na ang kalaban nila dahil Arbitration Tribunal na ang nagsalita.

Hindi natin kailangang maging matapang para banggain pa ang China. Binangga na natin ito sa legal na paraan, na siyang pinakamaganda nating ginawa, tama na ‘yun. Ngayon ay may sinasandalan na tayong court ruling at sa tuwing ibu-bully tayo ng China sa pinagtatalunang teritoryo, UN na ang kalaban nila.

Laban ito ng ating lahi. Laban ng buong bansa. Hindi dapat i-share sa China o sa kahit kaninong bansa ang teritoryong ipinaglalaban natin na sa atin.

Nananatili tayong nagsusulong ng peaceful solution sa usaping ito pero hindi naman dapat na dahil lang sa laki at tikas ng China ay tayo pa ang manunuyo para sumunod sila sa desisyon ng UN.

Tandaan, kakampi natin ang desisyon ng UN sa labang ito at marami pang malalaking bansang handang sumaklolo sa atin kung susuwayin ng China ang hatol.

Hindi dapat i-share ang WPS at ang mga ipinaglalabang teritoryo!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More