Una sa Balita

Editorial: Ipatupad ang batas at mga ordinansa

0 90

Nasa tamang daan na ang Pilipinas kung mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga ordinansa laban sa kabastusan at kawalang modo ang pagbabasehan. Ang kailangan lang ay ipatupad ito nang buong higpit.

Kapuri-puri ang mga lokal na pamahalaan na yumayakap sa pagsisikap na baguhin ang kultura ng ‘kamachohan’ sa Pilipinas. Kasama sa mga local government na ito ay ang Quezon City at Davao City. Maaaring may iba pang syudad at munisipalidad na mayroong ganitong ordinansa at kabilang kayo sa sinasaluduhan ng pahayagang ito.

Sa Quezon City, nagkalat pa ang mga patalastas na posters para ipaalam sa lahat, residente man ng lungsod o hindi, na bawal na bawal ang mga bastos sa lungsod, lalo na ang kabastusan sa mga babae.

Mayroon din daw nito ang Davao City na pirmado pa mismo ng kanilang alkalde na ngayo’y si President-elect Rodrigo Duterte.

Sa ordinansa ng Quezon City, detalyado ang mga klase ng pambabastos sa babae na mayroong mabigat na parusang kulong at multa. Sabi pa ng nakakalat na posters sa lungsod, “Magastos maging bastos sa QC.”

Totoo naman dahil mabigat na asunto ang ilalapat sa sinumang ipaghaharap ng reklamo ng pambabastos sa mga babae. Reklamo pa lang, hindi pa napapatunayan na totoo ang akusasyon sa kanya, gumagastos na ang mga ito.

Bawal ang panghihipo, tsansing, seksuwal na biro, pagbati sa magandang hubog ng katawan, pagtawag sa babae ng “sexy”, ang pagsipol, pagtitig sa maselang parte ng babae, ang pagsunud-sunod dito na ikukunsiderang ‘stalking’ o kahit ang pagtingin nang mahalay lalo’t kung mamasamain o mao-offend ang babaeng tinitingnan.

Ganyan ka-protektado ng Quezon City ang kanilang kababaihan. Ang sabi ng kampo ni President-elect Duterte, gayon din naman daw sa Davao City.

Nakakapagtaka nga lamang na iba ang inaasta ng dating alkalde at tila nalalabag nito ang mismong ordinansa na kanyang pinirmahan. Ngunit giit naman nito, walang malisya ang ginawa niyang pagsipol sa lady reporter na si Mariz Umali kundi ito’y ‘freedom of expression’ lamang.

Nagsalita na rin ang women’s group na Gabriela. Ang pagsipol sa babae ay isang uri ng kabastusan na bahagi ng ‘macho culture’ ng Pilipinas na matagal na panahon na nilang nilalabanan at binabago.

Ang incoming PNP chief na si Chief Supt. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, may pag-amin na silang mga pulis, may ordinansa man o wala, ay hindi sumisipol sa mga babae.

Ibig sabihin lang, klaro ang pagkilala ng lahat (kundiman ay mayorya) na ang pagsipol ay hindi magandang gawain.

Ituloy natin ang nasimulang magagandang hakbangin na pagtataguyod ng kagandahang-asal at pagrespeto sa mga babae. Anuman ang makita at marinig sa mismong mga lider ng bansa na dapat ay nagsisilbing mahusay na ehemplo ng pagiging maginoo at disenteng Pilipino.