EDITORIAL: Independente at co-equal pa rin ba?

Alam ng lahat na ang gobyerno ay mayroong tatlong magkakapantay o co-equal na sangay: ang ehekutiba (Malacañang), ang lehislatura (Kongreso) at ang hudikatura (Supreme Court at mga korte).

Dahil magkakapantay sila, taglay nila ang independensya mula sa isa’t isa.

Hindi pwedeng manghimasok ang isa sa trabaho ng iba. Hindi rin dapat nagpapailalim o nagpapa-impluwensya sa isa’t isa.

Sinadya ito para magkaroon ng tinatawag na ‘check and balance’. Kapag mayroong paglabag sa Konstitusyon ang isa o kaya ay mayroong pag-abuso sa kapangyarihan, may dalawa pang sangay na maaaring kumilos para ito ituwid.

Ang nakakatakot lang ay oras na magsabwatan ang tatlong sangay para makontrol nang buo ang bansa. Hindi ito teyorya lamang dahil nangyari na ito at aktuwal na nagawa ng isang diktador, si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.

Ilang ulit nang sinabi ni Pangulong Digong Duterte na hindi niya kailanman diniktahan ang hudikatura nang payagan nitong malibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si da­ting Pangulong Marcos o nang iabswelto at palayain si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Hindi rin daw niya pinanghihimasukan ang diskarte ng Kamara nang paspasan nitong ipasa ang panukalang magbabalik-bitay sa bansa o ang Senado nang sipain sa kanilang mga committee chairmanship ang mga oposisyong senador.

Nagkataon lang ba na lahat ng ginawa ng hudikatura at lehislatura ay mga kagustuhan ng ehekutiba na pinamumunuan ni Pangulong Digong? Hindi man nagdidikta ang Pangulo, gaya ng sinasabi nito, tila kusa namang sumusunod sa kagustuhan ang dalawang sangay.

Bagama’t nakakabahala ang ganitong sitwasyon ng tatlong sangay ng gobyerno, mas nakakaalarma ngayon na mayroong lider ng Kamara na lantaran ang pagbabanta sa SC justices na sila ay ipapa-impeach kapag kinalsuhan ang ipinasa nilang death penalty bill at pati na ang common station ng MRT-3, MRT-7 at LRT 1.

Ang lider ding ito ng Kamara ang pumitik sa mismong mga kaalyado na kumontra sa balik-bitay at ngayon ay nagbabantang patatalsikin din ang halal na Bise Presidente ng Pilipinas.

Gumagana pa nga ba ang independensya at pagiging co-equal ng tatlong sangay npg gobyerno? Umiiral pa ba ang ‘check and balance’? May pangamba kasi ang ilang sektor na napalitan na ito ng ‘mob rule’.


SHARE