Una sa Balita

Editorial: Hindi lahat ng gusto ay tama!

0 165

Tunay na nakakabilib ang 91% trust rating na tinatamasa ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Talagang “wow!” ito dahil taob ang lahat ng naging presidente ng Pilipinas.

Tiwala! Napakahalagang bagay nito sa isang gobyerno para ganahan siyang lalo pang pagbutihin ang serbisyo sa taumbayan.

Tunay ding kapareha talaga ng isang epektibong pamahalaan ang pagtitiwala ng tao kaya kung magpapatuloy ang ganitong tambalan ng taumbayan at ng gobyerno ay masasabing mapapagtagumpayan ang anumang programang kapwa nila ginugusto at isinusulong.

Sa interpretasyon ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, kaya daw ganito na lang nakataas ang gradong nakuha ni Pangulong Duterte sa survey ay dahil natutuwa ang taumbayan sa pagtupad ng Pangulo sa kanyang campaign promises lalo na ang kamay na bakal laban sa illegal drugs, sa kriminalidad at corruption.

Sa kabila ng mga batikos at pagpuna sa kaliwa’t kanang patayang nangyayari bilang bahagi ng pagsugpo sa kriminalidad at kampanya laban sa ilegal na droga, pinatutunayan daw ng survey at ng napa­kataas na tiwala ng sambayanan na gusto nila ang nangyayari.
Hindi raw totoo ang pinalalabas ng ilan na dismayado ang taumbayan sa madugong giyera kontra droga.

Siguro nga ay tama ang interpretasyon ng kongresista. Mukha ngang natutuwa ang 91% ng mga Pinoy sa nakikitang pagtupad ni Pangulong Duterte sa kanyang campaign promises.

Related Posts

Sinabi niya noon na magiging madugo ang kampanya laban sa krimen at illegal drugs, nangyayari na nga. Sa kabila ng mga batikos at pagpuna, tila minorya nga ang naaalarma sa pagdanak ng dugo at pagbalewala sa tinatawag na ‘due process’.

Kung ibabase sa survey, mukhang nasabik ang tao sa isang lider na “aksyon agad” lalo pa’t may impresyon noon sa nakaraang administrasyong Aquino na petiks ito at ‘teka-teka’.

Pinatunayan din ni Pangulong Duterte na matigas na kamao nga siya na siyang nagustuhan noon ng 16 na milyong botante kaya siya inihalal laban sa manok ni PNoy na tinawag na “malamya”.

Pero sana, sa pagtupad ni Pangulong Duterte sa kanyang mga pangako, sa paggawa ng mga bagay at programang gusto at pinapalakpakan ng tao, sana ay naibabalanse rin kung alin ang tama at alin ang mali.

Tulad ng isang ama na tunay na nagmamahal sa kanyang anak, hindi lahat ng gusto ay ibinibigay dahil mayroong mga bagay na hindi makakabuti sa anak.

Maaaring ikagalit ng anak na hindi ibinigay sa kanya ang kanyang gusto ngunit darating ang panahon na makikita ng anak, lalo na sa kanyang paglaki, na tama ang kanyang ama sa pagtataguyod sa tama sa halip na pairalin ang kagustuhan lang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy