Una sa Balita

EDITORIAL: Good vibes dapat!

0 12

Unang araw kahapon ng 2017. Importante na simulan ang bagong taon nang tamang kaisipan, tamang gawa at ­salita at higit sa lahat, positibong pananaw.

Ang tawag ng mga millennials diyan: good vibes!

Sa isang survey bago natapos ang taong 2016, lumabas na 95% ng mga Pinoy ay umaasang magiging mas ­mabuti, mas magaan, mas maraming oportu­nidad at mas magiging masaya ang 2017 kaysa ­sinundang taon.

Pero dapat, hindi lang kondisyon ng isip at pangarap ang pag-asang ito ng bagong taon. Napa­kahalaga na mayroong plano, mayroong mga aksyong gagawin ang bawat isa para maging mas mabuti ang pumasok na taon.

Ang ganda at tatag ng ­sariling buhay ay nakasalalay sa may katawan. Bagama’t mayroong mga bagay na wala sa kontrol ng isang tao na mayroong direktang epekto sa ­kanyang plano at ‘course of ­action’, napakaliit na porsyento ­lamang nito.

Dito ngayon nasusubukan ang husay sa diskarte ng mga Pinoy. Dapat mayroong back-up plans kung sakaling ­sumalto ang una, pangalawa o pangatlong plano.

Kapag maraming options, walang puwang ang pagsuko.

Ang sabi nga sa kawikaang Inggles, “a quitter never wins and a winner never quits.” Dapat laging abante kahit may mga hadlang at pagsubok.

Nakakatuwa ang pagiging optomistiko ng maraming ­Pinoy ngayon. Ibig sabihin lang nito, maganda ang kanilang natatanaw para sa taong ito. Mahalaga kasi sa tao ang ­pangarap at pangitain. Dito nagsisimula ang paghakbang tungo sa katuparan.

Sana lang, mas magpokus sa taong ito ang lahat sa ­sariling ­responsibilidad higit kaysa sari­ling kapakinabangan o benepisyo.

Una ay responsibilidad sa ­sarili para sa pansariling pag-angat. Tandaan, ang lahat ng reaksyon sa paligid, kasama na ang sa pamilya ay nagsisimula sa ­sarili. Hindi maganda kung pala­ging ­benepisyo ang titingnan ­habang iwinawaksi, iniiwasan o tina­takbuhan ang responsibilidad.

Bilang tao, ang bawat isa sa atin ay mayroong respon­sibilidad sa kapwa, hindi lamang sa pamilya at mga kakilala kundi maging sa mga estranghero.

Bilang Filipino, may obligasyon tayo sa ating bansa at bilang nilikha ng Maykapal, maroon tayong tungkulin na maging mabuting Kristiyano at anak ng Diyos.

Gawin nating mas maaliwalas ang bagong pasok na taon sa pamamagitan ng pagsisimula sa isang “bagong sarili.”