Una sa Balita

EDITORIAL: Gawing maayos at mapayapa

0 124

Nakakawala ng kaba itong ginawa ng pamahalaan na ideklara ang September 21 bilang National Day of Protest.

Kamakailan lang kasi ay lumutang na naman ang pagkabahala ng mga militanteng grupo ukol sa pagdedeklara ng Martial Law sa buong bansa. Kasunod ito ng ikinakasa nilang kilos protesta sa darating na Huwebes.

Subalit sa ginawa ng Malacañang na idineklara ang nasabing petsa bilang National Day of Protest ay mistulang pinawi nito ang pangamba ng mga militanteng grupo.

Sa paraang ito ay kaisa ngayon ng pamahalaan ang mamamayang lalahok sa kilos protesta. Kaisa sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga raliyista na gamitin ang kanilang karapatan at kalayaan na ipahayag ang mga saloobin at magkaroon ng malayang pagtitipon.

Wala naman kasi mabigat na dahilan para magkaroon ng magulong kilos protesta. Gamitin ito sa tama at mapayapang paraan upang maayos na mapakinggan ng buong bayan ang mga karaingan na nais ipabatid sa pamahalaan.
Maging mahinahon at mapayapa na lamang sa pagkilos sa Huwebes. Nakasalalay din ang kaayusan sa mga mamumuno sa mga magsasagawa ng kilos protesta.

Hindi special non-working holiday ang September 21 pero mabuti na rin marahil na walang pasok sa araw na ito sa mga paaralan at maging sa mga tanggapan ng gobyerno. Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga nais lumahok sa kilos protesta at maiiwasan din ang mga aberya dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa lansangan na posibleng magdulot ng matinding trapiko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More