Una sa Balita

EDITORIAL: Frat hazing masahol pa sa bullying

0 41

Pwedeng gawin ang bullying sa ibang tao kahit na hindi personal na kakilala ng nambu-bully ang biktima. Pwede rin itong gawin sa paraang hindi pisikal subalit emosyunal katulad ng cyber bullying o pambu-bully sa social media.

Iba sa fraternity hazing. Kakilala ng mga nagsasagawa ng initiation rites ang neophyte o bagong recruit nila. Maaaring barkada, kaeskwela o kaklase ang neophyte na nakumbinsi nilang sumali sa frat.

Pisikal ang paraan ng initiation rites sa frat. Katulad ng pagpapahirap na ang karaniwang ginagamit ay ‘paddle’ na ipinapalo sa katawan ng isang recruit. Bukod sa pisikal na hirap, kasama rin sa seremonyas kuno bago makapasok sa frat ay ang emosyunal na paraan ng initiation gaya ng pagsigaw, pagmumura o pang-iinsulto sa neophyte.

Kaawa-awa ang itsura ng neophyte habang sumasailalim sa initiation rites. Tau-tauhan siya ng mga nakapaligid sa kanya habang isinasagawa ang seremonyas kuno. Lahat ng ipag-uutos sa kanya ay kinakailangang sundin dahil kung hindi ay lalo pa siyang makakatikim ng hirap at panlalait.

Marami na ang namatay sa fraternity hazing. Marami na rin ang kinasuhan. Subalit hanggang ngayon buhay pa rin ang frat at paminsan-minsan ay muling may namamatay. Mababalita ang insidente, kokondenahin at magkakaroon ng imbestigasyon.

Pero dahil may ‘omerta’ o code of silence ang lahat ng fraternity kaya nahihirapan ang mga awtoridad sa pag-iimbestiga para matukoy kung sino ang may kasalanan.

Sa ngalan ng brotherhood o kapatiran kaya mayroong mga nare-recruit para sumali sa frat. Kabilang na si Horacio Tomas Castillo III, ang freshman law student na nahikayat sumali sa Aegis Juris fraternity subalit sinawing-palad na masawi sa hazing.

Isang buhay na naman ang nasayang sa ngalan ng brotherhood. Ganito ba ang kapatiran? Masahol pa sa bullying.