Una sa Balita

EDITORIAL: ‘Big players’ sa droga targetin

0 7

Sa kabila ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga ay patuloy pa rin na nakakalusot ang ­bentahan nito. Patunay ang halos araw-araw na mayroong ulat na naaresto o napatay sa droga.

Nitong nakaraang araw lamang ay maraming napatay sa lalawigan ng Bulacan matapos ang magdamag na anti-drug raid ng kapulisan.

Batay pa sa ulat kahapon, umabot na sa 32 ang nasawi sa magkakasunod na pagsalakay ng mga awtoridad sa iba’t ibang lugar sa Bulacan na ikinamatay ng mga drug suspect.

Pruweba ito na kahit mahigpit na ang mga awtoridad ay nagagawa pa rin ng mga sindikato na mailusot ang kanilang ­kontrabando.

Gumagawa rin ng paraan ang mga sindikato kung paano nilang mailulusot ang droga sa mahigpit na ­pagmamatyag ng mga awtoridad.

Isang halimbawa ang nahuli kamakailan lamang na delivery boy ng pizza na isinasabay pala sa kanyang trabaho ang paghahatid ng droga.

Hindi talaga uubra kung ang mga nagpapakalat lamang ng droga sa kalye o sa madaling salita ay iyong mga drug pusher­ lang ang babantayan at aarestuhin sa mga buy-bust operation. Small time players lamang sila sa malawak na network ng mga sindikato sa droga.

Ang dapat maaresto ay iyong mga humahawak o nagpapatakbo ng sindikato. Ang mga ‘big ­players’.

Sila ang nagmamando­ sa network ng droga. Sila ang ­nakakaalam kung saan makakakuha nito at sila rin ang may alam kung paanong mailulusot ito kahit na gaano pa kahigpit ngayon ang mga awtoridad kontra iligal na droga.

Hindi matitigil ang pagkalat ng droga sa kalye kung hindi mapi­pigilan ang pagpasok nito sa ating bansa.

Ito ang mahalagang matugunan nga­yon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Mababalewala ang kampanya kontra droga kung hindi nababarahan ang mga pwedeng palusutan ng shabu sa ating bansa.

Tingnan ninyo ang nangyari sa Bureau of Customs (BOC) kung saan dumaan ang bilyun-bilyong halaga ng shabu.

Ang source ng droga ay galing sa China. Lantaran itong pagpupuslit na ginawa sa BOC.

Isang malaking kahihiyan ito sa gitna ng pinaigting na kampanya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.