Una sa Balita

EDITORIAL: Bayanihan ulit!

0 127

Muli, kinakalabit ang pagiging matulungin nating mga Pinoy. Masama ang regalo ng kalikasan sa mga kababayan sa Bicol at Quezon.

Habang nagkakasiyahan ang buong bansa at abala ang marami sa pagsasalu-salo ng handa at pagbubukasan ng mga regalo, ang ilang lalawigan sa Kabikulan at katabing Quezon province ay inililikas patungo sa mas ligtas na lugar.

Salamat sa maaagap na ahensya ng pamahalaan, sa mga local officials at sa accurate na weather forecast muli ng Philippine Atmos­pheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Lahat sila ay naging susi para maibsan ang pinsala ng bagyong ‘Nina’ sa buhay ng mga residente ng mga lugar na tinumbok ng mata nito.

Ngayon ay hindi pa ganap na naiuulat ang lawak ng pinsala ng bagyo. Maraming linya ng komunikasyon ang hindi pa naibabalik at maging ang kuryente sa mga napuruhang lugar.

Oras na humupa na ang ngitngit ng bagyo at makapag-ulat ang mga kinauukulang disaster management teams, saka pa lamang makikita ang kumpletong pinsala ni ‘Nina’.

Nakakalungkot din na mayroong mga barko na inabot ng bagsik ni ‘Nina’ sa karagatan. Importante na maimbestigahan kung bakit nakapaglayag ang mga ito sa kabila ng seryosong babala na maagang inihayag ng PAGASA.

Ngayon ay mahalaga ang tulong ng iba pang bahagi ng Pilipinas na pinalad na maligtas sa pananalasa ng bagyo.

Ibahagi natin sa kanila ang ating matiwasay na Pasko. Marami sa mga kababayang ito ang nagsisiksikan pa rin sa mga evacuation centers.

Bagama’t mabilis din ang pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at todo rin ang pagsaklolo ng Office of the Vice President (OVP) ni VP Leni Robredo sa mga nasalanta, malaking bagay kung ang maliliit na tulong na maaaring iambag ng mga ordinaryong mamamayan ay maiipon at maipaparating sa mga biktima ni ‘Nina’.

Ito ang isang bagay na hinahangaan sa atin ng buong mundo: ang ating Bayanihan spirit. Sa ganitong mga pagkakataon ay nabubuklod ang sambayanan para magdamayan.

Muli natin itong ipakita sa mga biktima ng bagyong ‘Nina’!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy