EDITORIAL: Batas ba ang problema o implimentasyon?

Marami na namang ipinopormang mga batas. Iyong gawing local government unit ang Metro Manila, paglikha ng OFW Department, itong mas malinaw at maayos na paggamit sa Road User’s Tax laban sa mga kolorum at ‘rolling coffins’ na mga bus at kung anu-ano pa. Pati na iyong pagbabawas ng kapangyarihan ng Department of National Defense (DND) hinggil sa pagbili ng mga kagamitan, armas, sasakyang pandigma at iba pang pangangailangan ng sandatahang lakas.

Parang nananawa na ang tao. Tuwing may bagong uupo, kanya-­kanyang gawa ng mga bagong batas, paglikha ng mga bagong ahensya at pagbabago ng mga polisiya, samantalang kung titingnan ay mukha namang sapat na ang mga batas. Ang tila may pagkukulang ay istriktong implimentasyon ng mga ito at ito ang trabaho ng executive branch na pinamumunuan ni Pangulong Digong Duterte.

Gaya na lang nitong mo­dernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nasimulan na ito, ang kailangan na lang ay ipagpatuloy. Nagsisimula nang makahawak ng — ­kahit paano — ay kapaki-pa­kinabang na mga fighter planes na kailangan na lang armasan, at medyo may mga patrol boats na rin na maayos-ayos.

Wala namang naging katiwalian sa nasimulang moder­nisasyon, bakit kailangang baguhin ang sistema? Naiisip tuloy ng tao, mukhang meron lang gustong sumawsaw sa sistema, lalo’t malaking pera ang sangkot dito. Pero sana nga ay mali ang mga pangamba.

Ito naming OFW Department, maganda nga na mayroong tututok sa kapakanan at mga problema ng mga kababayan na­ting nagtatrabaho sa abroad, pero hindi pa rin dapat makali­mutan na i-audit ang mga existing agencies na naunang inatasan na mangalaga sa interes ng mga OFWs, gaya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), lalo pa’t malaking pera ang nalilikom nito mula sa mga nag-a-abroad na manggagawang­ ­Pinoy pero tila walang buma­balik sa kanila na maayos na serbisyo.

Isa ring importante na ma-­audit nang husto bago ay itong Road ­User’s Tax. Saan-saan nga ba dapat ginagastos ang nakokolektang pera nito? Ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ­naman sa kabilang dako ay parang hindi naman napapagba­lingan ng publiko at ng gobyerno sa mga trahedya sa kalsada­ na kinasasangkutan ng mga palyadong public utility vehicles (PUVs) at mga pasaway na tsuper.

Maging istrikto lang sa pagpapatupad ng batas at seryosohin lang ng bawat ahensya ng gobyerno ang kanilang mga trabaho, tiyak na aayos ang serbisyo sa tao.

Idagdag pa nga itong hindi pa rin umaayos na biyahe ng MRT at LRT na ang pangakong “pagbabago” rito ay sobrang kinabiliban ng Metro Manilans kay Pangulong Digong. Hanggang ngayon, sablay pa rin!

Sana ‘yung tapang ni Pangulong Digong kontra droga ay tapang din sa kaliit-liitang palpak na serbisyo ng kahit anong sangay ng gobyerno.

SHARE