Una sa Balita

EDITORIAL: Baha pa rin

0 5

Baha na naman sa maraming lugar pagkatapos ng mala­kas na ulan. Hindi na yata talaga masosolusyunan ang problemang ito sa Metro Manila.

Kinalakihan na natin ang eksenang ganitong tuwing ­panahon ng tag-ulan. At kahit pa sasabihin na tuwing magpapalit ng administrasyon ay ipinapangakong lulutasin ang isyu sa baha, wala pa ring nangyayari.

Palagi namang may ­ginagawang paghuhukay­ ang Department of Public Works and HIghways (DPWH)… dredging ng mga kanal at estero ng ­Metropolitan Manila De­ve­lopment Authority (MMDA) pero wala rin, baha pa rin sa maraming lugar.

Marahil talagang kaila­ngan na ng ibang approach sa problemang ito tulad ng itinutulak ng batikang urban planner at arkitektong si Jun Palafox na development plan ng Metro Manila para magkaroon ng malinaw na daluyan ng tubig-baha kapag umuulan patu­ngo sa malaking ilog at karagatan.

Matagal na trabaho ito at kailangang bigyan ng seryosong panahon. Pero habang hinihintay natin ang konkretrong aksyon ng gobyerno, chill lang muna tayo ngayong tag-ulan.

Sa totoo lang, sanay na sanay na naman tayo kapag ganitong panahon na kaliwa’t kanan ang mga bahang lugar.

Sana lang kahit na baha, masiguro lang ng DPWH, MMDA at local government units na may mga takip ang mga manhole sa mga lansangan, natabunan ang mga lubak at may ukang kalsada upang hindi na pagmulan ng aksidente tuwing ma­lakas ang ulan at baha.

Huwag ding kali­mutang maglagay ng signages sa mga kalsada at hukay para makita agad ng mga dumaraan at hindi na mapahamak pa.

Sa ganitong paraan, kahit na hirap na hirap tayo sa paglusong sa ­tubig-baha, malaking­ bagay na ligtas ang ating mga daraanan lalo na kapag panahon ng kalamidad.