Una sa Balita

Editorial: Baha agad-agad!

0 169

Unti-unti na nating nararamdaman ang malalakas at madalas na pagbuhos ng ulan dahil siyempre tag-ulan na nga.

Kagaya na lamang kamakalawa nang biglang bumuhos ang malakas na ulan sa ilang lugar sa Metro Manila na dulot daw ng kauna-unahang bagyo na si Ambo.

Wala pang dalawang oras ang itinagal ng pag-ulan pero bakit bumaha agad sa ilang lugar partikular sa harapan ng Manila City Hall kung saan namutakte na naman ang mga ‘negosyante’ na naglalagay ng mga tulay na kahoy para madaanan ng mga pedes­trians kapalit ng kaunting barya?

Ang tagal na nang ganitong senaryo lalo na sa bahagi ng Maynila. Pero bakit ganoon, sa tinagal-tagal nang panahon ay hindi pa rin nasosolusyunan ang problemang ito sa baha?

Related Posts

Wala na yata talagang pag-asang makaahon tayo sa problemang ito tuwing tag-ulan dahil sa kabila ng mga press release ng mga local government units na flood free ang kanilang lugar dahil naglinis at naghuhukay sila ng estero at kanal bilang paghahanda sa pagpasok ng rainy season ay ganun pa rin ang sitwasyon sa mga lugar na madalas na bumaha, gaya na lang sa kahabaan ng Taft Avenue at España sa Maynila.

Kung tutuusin kaliwa’t kanan pa rin ang mga ginagawang drainage, mga pipe laying projects na bahagi ng flood control ng gobyerno, subalit parang nasasayang lang ang milyong pondo na ginagamit dito dahil binabaha pa rin tayo.

Bukod sa problema sa droga, krimen at korupsyon, isa sa haharaping problema ng susunod na administrasyon ang baha. At kagaya ng maraming mamamayan na umaasam ng tunay na pagbabago… harinawa’y tuluyan na ring masolusyunan ang mga pagbaha sa Metro Manila na isa ring pahirap sa sambayanang Filipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy