Una sa Balita

Editorial: Bagong simula

0 126

Ngayong araw opisyal na manunumpa ang mga bagong halal na pangulo at pa­ngalawang pangulo ng bansa. Bababa na rin sa puwesto ang mga nanungkulan sa nakalipas na anim na taon.

Bukas, bago na ang mga mukhang magsisilbi sa bayan. Bago na ang mga polisiya at panuntunan. Bago rin ang istilo ng pamumuno lalo pa’t magkaibang-magkaiba ang karakter ng nagpalitang mga lider.

Bagama’t hangad ng mayoryang Pinoy na mapanatili at ipagpatuloy ang magagandang pundasyon ng pa-exit na admi­nistrasyong Aquino, walang garantiya na ito nga ang mangyayari.

Sabi nga ng isang political analyst, “Obviously, ang gusto ng tao ay bago. Iba sa pamumuno ni PNoy dahil kung gusto ng tao ang istilo at pamamaraan ni PNoy at natuwa ang mayorya sa mga nagawa nito, dapat ay nanalo ang kanyang manok na si Mar Roxas na klarong magtutuloy ng nasimulang Daang Matuwid.”

Paggising bukas, makikita na ang tunay na mukha ng Duterte administration. Kahit pa nga narinig na ang mga plano at programa nito at marami na ring nailatag na mga polisiya, ang aktuwal na implimentasyon ay mararamdaman na ng taumbayan simula bukas.

Ang tigas ng pananalita ni Pangulong Duterte, masusubukan sa gawa. Ang diskarte ng kanyang mga gabinete, makakaliskisan na kung saan ang direksyon talaga pupunta.

Related Posts

Mahalagang maging mapanuri ang taumbayan. Sino ang mga makaka-deal sa iba’t ibang transaksyon at proyekto ng bagong administrasyon? Dapat ay maging malawak ang pananaliksik.

Kung mga dating mukha na nagkaroon na ng mantsa ng katiwalian, red flag agad ‘yan. Hindi rin imposible na bago ang pangalan ng ka-transaksyon pero mga dating indibidwal pa rin na kilalang ‘masisiba sa kurakot’, mahalagang ma-expose din agad ‘yan.

Kung magiging mapanuri at mapagbantay ang taumbayan, matutulungan ang administrasyong Duterte sa tamang direksyon na gusto nating mapuntahan.

Huwag maging pasahero lang. May obligasyon tayong tumulong sa pagtitimon o pagmamaneho sa bansa.

Bawat hakbang, dapat ay para sa tao at hindi personal na kapakinabangan. Tao ang prayoridad, hindi mga kaibigan, mga sponsor noong kampanya, mga kadugo at lalong hindi ang mga minsan nang nagtraydor, nagpahirap at naging kaaway ng taumbayan at ng demokrasya.

Para kina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulong Leni Robredo, sampu ng buong gabinete at mga bagong halal na mambabatas at mga lokal na opisyal, pagpalain nawa ng Panginoon ang inyong paglilingkod sa sambayanan!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy