Una sa Balita

Editorial: Ang tunay na tapang, nagpoprotekta

0 128

Nagkapikunan lang, pumutok na! Nagkairingan lang sa trapik, nagduwelo na!

Hindi sa ganitong paraan nakikita ang tapang. Hindi kailanman dapat ginagamit ang katapangan para makapanakit ng kapwa.

Ang tunay na katapangan ng isang taong nasa maayos na kaisipan ay lakas na kinakapitan ng mahihina para sa kanilang proteksyon. Ang mga naaagrabyado, tumatakbo sa matatapang at malalakas dahil alam nilang ipagtatanggol sila.

Ang tapang na nasa lugar ay kumakalinga, hindi nananakit. Ito ay nagbibigay ng proteksyon at hindi kumikitil ng buhay.

Pero ang pagtatanggol ay hindi lamang nasusukat sa paggamit ng dahas at lakas. Napakaraming paraan para ipakita ang tapang. Hindi lang sa kamao o armas.

Ang taong naninindigan sa pinaniniwalaang prinsipyo, sa kabila ng mga banta at peligro sa kanyang kaligtasan, ay nagpapakita ng tapang.

Ang paglalahad ng katotohanan at tamang impormasyon o facts, sa gitna ng namamayaning kasinungalingan. Ito ay katapangan!

Ang paggamit sa tinig, sa anyo man ng pagsasalita o pagsusulat o kaya naman ay sa anyo ng sining, ay mataas na antas ng katapangan.

Katapangan din ang pananaliksik sa ngalan ng katotohanan at ang pagpapalaganap ng katotohanang ito, kahit pa mangahulugan ng pagkakatakwil sa lipunan, pamilya o pagkakaibigan.

Ito ang mga uri ng katapangan na dapat isinusulong.

Katapangang nakatayo sa katotohanan at patuloy na kumikilala at nagpapailalim sa batas ng Diyos at batas ng tao. Hindi naman porke’t pumapalag ay matapang na. Depende rin sa pagpalag.

Mayroong lumalaban at kumakasa hindi dahil sa tingin nila ay nasa tama sila kundi dahil gusto lamang protektahan ang sariling interes. Hindi rin dahil tinatapakan sila kundi mayroon lamang silang pinagtatakpang kasalanan o kapalpakan.

Mahalaga na ilagay sa lugar at sa tamang panuntunan ang pagpapakita ng tapang dahil manipis ang linya ng dumidepensa lang sa nambu-bully na.

Pinakamahalaga sa lahat, hindi nananakit nang pisikal, hindi nakakaperwisyo, hindi umaabuso at hindi lumalabag sa batas ng Diyos at ng tao ang pagpapamalas ng tapang.

Maging matapang sa tamang pamamaraan. Sa ganitong paraan, hindi takot ang aanihin kundi respeto.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy