EDITORIAL: Ang teritoryo ng Pilipinas ay ipinaglalaban


Nakakalungkot ang mga binibitiwang salita kahapon nina dating Pangulo at ngayo’y Congw. Gloria Macapagal-Arroyo at dating Solicitor General Estelito Mendoza na kung hindi ginalit ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang China ay hindi sana itinayo ang manmade na isla sa West Philippine Sea (WPS).

Tama bang paniwalaan ito?

Balikan ang timeline kung paano­ nagsimula ang arbitration case at kung bakit dinala ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng United Nations (UN) sa The Hague, Netherlands.

FACT Check: Taong 2013 nang ihain ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Aquino ang kaso laban sa China matapos ilabas ng China ang kontrobersyal na “nine-dashed line” kung saan ipinakikita nito sa bagong mapa ng kanilang teritoryo ang mga bahagi ng Pilipinas na itinuturing nitong “exclusive economic zone” (EEZ).

Nagpasaklolo ang Pilipinas sa UN na maglabas ng desisyon kung tama bang sakupin ng “nine-dashed line” ng China, hindi lang ang pinag-aagawang mga isla at bahura sa Spratlys Group of Islands, kundi pati na ang mga teritoryo sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Bago pa ang kontrobersyal na deklarasyon ng China sa mga bagong teritoryong kanilang sinasakop, taong 2012 ay inaangkin na ng China ang Scarborough (Panatag) Shoal na may layong 150 milya mula sa baybayin ng Pilipinas at 400 milya mula naman sa China.

Naniniwala ang Pilipinas na ang pagpapasaklolo lamang sa UN ang tanging paraan para mapigil ang China sa patuloy na pangangamkam ng teritoryo ng Pilipinas. Ngunit sa halip na sumagot sa kaso at ilaban din sa korte ang kanilang claim ay binalewala ng China ang proseso at sa halip ay inapura ang pagtatayo ng mga manmade na isla na kasama talaga sa kanilang plano nang ideklara ang “nine-dashed line”.

Sabi pa nina Arroyo at Mendoza, ginulo ng pamahalaang Aquino ang dating maayos na relasyon ng Pilipinas, China at Vietnam nang isulong ang kaso.

FACT Check: Disyembre 11, 2014 ay nagpadala ng opisyal na pahayag sa tribunal ang Vietnam na: 1) sinusuportahan nila ang legal na hakbang ng Pilipinas laban sa China; 2) tinututulan nito ang “nine-dashed line” ng China; 3) nais nitong ikonsidera rin ng PCA ang inaangkin nilang teritoryo sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.

Panghuling katotohanan, naipanalo ng Pilipinas ang kaso sa PCA laban sa China kaya naman binibigyan-diin ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi dapat ibahagi o i-share sa sinumang dayuhan ang teritoryo ng Pilipinas na idineklara ng UN tribunal na “eksklusibo sa Pilipinas” at hindi dapat sinasakop ng China o ng alinmang bansang claimant.



SHARE