Una sa Balita

Editorial: Ang mga adik, biktima! Ang mga drug lords, salot!

0 5

Sinimulan na raw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang planong rehabilitasyon ng lahat ng nagsisisukong drug personalities. Hinahanapan na raw ng pondo ang pagpapatayo ng mga rehabilitation centers sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Magandang hakbang ito. Matagal nang ikinakampanya ng pahayagang ito ang pagkakaloob ng tsansa sa mga drug dependents na makapagbagong buhay at hindi ito magagawa ng simpleng pangangako lang na magbabago sila. Kaila­ngan ang tulong ng gobyerno, ng lipunan at ng pamilya para tuluyang matalikuran ng isang sugapa ang bisyong ito. Pagdaraanan talaga ang mapait na proseso ng rehabilitasyon.

Pero tila may mali sa pahayag ni DILG Sec. Ismael Sueño nang sabihin niyang, “The President hates drug addicts and drug lords but at the same time he loves them. Why? He wants to help them, not imprison or kill them.”

‘Yung mga adik o nalulong sa droga, itinuturing na biktima ‘yan ng bisyo kaya nire-rehab. Pinag-uukulan ng pang-unawa at binubuhusan ng pagmamahal at atensyon ng pamilya at komunidad para maialis sila sa pagiging sugapa. Kung wala naman silang nagawang krimen na epekto ng kanilang pagiging adik, hindi naman talaga sila dapat ikulong o kaya ay patayin.

Pero ang mga drug lords, tama ba silang mahalin din at bigyan ng tsansa? Itong pagmamanupaktura, pagbibiyahe, distribusyon, pagsu-supply, pagbebenta o drug trafficking sa kabuuan na siyang gawain ng mga drug lords, malinaw na krimen ‘yan. Bakit hindi sila ikukulong?

Klaro sa ating Saligang Batas na mabigat na krimen ang pagnenegosyo ng illegal drugs. Heinous crime nga ‘yan kaya noong mayroon pang parusang bitay sa Pilipinas, kasama sa pinabibitay ang mga drug lords oras na mapatunayan sa korte ang kanilang sala.

Sa ibang bansa nga, hindi kailangang drug lord para ma­bi­tay. Ilang Pinoy na ba ang nabitay dahil napatunayang ‘courier’ sila o tagadala/tagabitbit/tagahatid ng illegal drugs?

Mga salot sa lipunan ang mga drug lords. Hindi sila dapat mahalin kaya’t kung sinabi man ito ni Sec. Sueño – sana nga ay na-misquote lang siya – mali ito! Idinawit pa niya sa kanyang pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin niyang, “The President hates, and loves, the drug addicts and drug lords at the same time… He wants to help them (drug lords?), not imprison, nor kill them.”

Milyong buhay ang sinisira ng mga drug lords sa kanilang negosyo. Walang pakundangan sa nawawasak na buhay at kinabukasan ng mga nagugumon sa bisyo kapalit ng mala­king perang kanilang kinikita.

Hindi sila biktima! Ano ang iri-rehab sa kanila e ang pagkasugapa nila sa pera ay walang gamot? Sila ang nambibiktima kaya dapat ay mabigat na parusa ang ipataw sa kanila. Hindi sila dapat mahalin ni Pangulong Duterte, Sec. Sueño!