Una sa Balita

Edad ng statutory rape gawing 15-anyos — Zubiri

0 285

ISINUSULONG ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na itaas ang edad ng statutory rape sa 15-anyos mula sa dating 12-anyos bilang karagdagang proteksiyon sa mga bata.

“Sa ngayon, ang rape ng isang bata ay itinuturing na statutory rape kapag siya ay may kapansanan sa pag-iisip o ang edad niya ay mababa sa 12 taon,” paliwanag ni Zubiri sa inihain niyang Senate Bill No. 35.

Noong Hunyo 10, inihain ni Zubiri ang panukala na pinamagatang “An Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape to Provide Stronger Protection for Children”, gayundin ang pag-amiyenda sa Anti-Rape Law of 1997.

“Ibig sabihin ng statutory rape ay ituturing na rape ang pagkakaroon ng ‘carnal knowledge’ o pagniniig—basta ang edad ng bata ay mas mababa sa 12 taon—at hindi kailangan patunayan na gumamit ng pwersa o pananakot ang maysala,” sabi ni Zubiri.

“Sa aking proposal, itataas natin ang edad sa 15 taon gulang,” dagdag nito.

Naniniwala ang senador na maraming sexual violence ang nagaganap sa mga batang 12-taon hanggang 15-taong gulang ngunit hindi mapaparusahan ang maysala dahil sinasabi ng maysala na pumayag ang bata, kahit sa totoo ay sapilitan ang naganap.

Ibinase ng senador ang kanyang panukala sa 2016 National Baseline Study on Violence Against Children (NBS-VAC), kung saan isa sa kada limang bata ay nakakaranas na sexual violence.

“Huwag na nating pahirapan ang mga batang biktima at ang kanilang mga magulang o guardians­ na makahanap ng hustisya,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy