Una sa Balita

Ebidensiya sa korapsiyon vs DPWH Asec inilabas ng Palasyo

By
0 1,279

INILABAS ng Malacañang ang dokumentong pinagbasehan ni Pangu­long Rodrigo Duterte para sibakin sa puwesto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Secretary Tingagun Umpa.

Ito ay kasunod ng batikos ni Umpa sa gina­wang pagsibak sa kanya sa puwesto gayong hindi naman umano siya tiwa­ling opisyal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroong ebidensiya laban kay Umpa batay sa ginawang imbestigasyon ng DPWH kaya’t hindi siya maaaring magmatigas na manatili sa puwesto.

Paghandaan na lamang aniya ni Umpa ang kasong posibleng isampa sa kanya sa Ombudsman dahil lumabag ito sa batas.

“Well, entitled po siya sa kanyang opinyon pero mayroon na pong imbestigasyon ang DPWH mismo, mayroon po ta­yong ebidensiya at hindi naman siya pupuwedeng magpilit na manatili sa puwesto dahil siya po ay naninilbihan at the pleasure of the President. So puwede niya pong gamitin lahat ng ebidensiya na mayroon siya para hindi po siya malinis sa kasong kriminal,” ani Roque.

Batay sa confidential report ni DPWH Region 10 Director Zenaida Tan, idinetalye nito kung paano siya inatasan ni Umpa na manghingi umano ng porsiyento sa mga contractor kaugnay sa mga ginagawang pro­ject sa ARMM at Cagayan de Oro City.

Ayon kay Tan, tinawagan siya ni Umpa noong April 25, 2018 para ipaalam na darating siya sa Region 10 ng May 2, 2018 para umano bisitahin ang mga project ng Task Force Bangon Marawi at inatasang ayu­sin ang kanyang plane ticket at hotel accommodation kasama ang walong opisyal ng Phi­lippine National Police at close-in escorts.

Ayon kay Tan, uma­bot sa P117,452.00 ang nagastos sa airfare at hotel accommodation ni Umpa na hindi maaaring i-reimburse ng kanyang tanggapan dahil mahigpit ang gobyerno sa mga ganitong gastos, pero sinabi umano ni Umpa na alam niya ang ‘kalakaran’ ng tanggapan.

Sa meeting aniya ni Umpa sa mga opisyal ng Task Force Marawi, ipinagdiinan ng opisyal na ipinadala siya ng Malacañang para ipatigil ang korapsiyon at sa kabila aniya ng demolisyon sa kanya ay ipinagmala­king hindi umano siya matatanggal sa puwesto.

Inatasan aniya siya ni Umpa na sabihan ang mga contractor sa ARMM pro­ject na bigyan ito ng 1-2 percent project share na hindi nito sinunod.