Una sa Balita

Earth Day isapuso — Angara

0 174

HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang publiko na pangalagaan ang kalikasan bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Day.

Sinabi ni Angara na bagaman isang araw lamang ang itinakda para sa selebrasyon, mas maka­bubuti aniya kung gawin itong kaugalian sa buong taon ang pagpapahalaga sa kapaligiran para na rin sa ikabubuti ng bawat isa.

“Isapuso natin na hindi lamang natatapos sa isang araw ang pagpapahalaga sa ating Daigdig. Mahalagang magkaisa ang buong mundo na pa­ngalagaan ang kaisa-isang tahanan natin sa sangsinukob,” saad ni Angara.

Makatutulong anya ang bawat isa kung magkukusa ang mga ito na baguhin ang ‘di mabuting nakaugalian sa pagtrato sa kalikasan.

Maaaring isa sa mga mahahalagang hakbang ang pag-iwas sa paggamit ng mga plastic bag at iba pang uri nito na natatambak lamang sa mga imbakan ng basura. Ang mga plastik, ayon kay Angara, ay isa sa mga pangunahing dahilan ng polusyon sa mga ilog at karagatan.

Noong 2010, ayon pa rin sa senador, nu’ng siya ay kongresman pa lamang, isang panukalang batas ang kanyang isinulong na naglalayong itigil ang paggamit ng single-use plastic bags.

Ayon kay Angara, sa halip na plastic bag, mas mainam kung mga bag na maaaring magamit nang paulit-ulit na lamang ang gamitin ng mamamayan.
Maaari rin naman aniyang i-recycle na lamang ang plastic bags na maaaring magamit pa sa ibang paraan.

Liban sa pagbabawas sa paggamit ng plastic bags, makatutulong din sa kalikasan, ayon kay Angara, ang paggamit sa mga tahanan ng mga bumbilya at appliances na hindi malakas sa kur­yente. (Dang Samson-Garcia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy