Una sa Balita

E-POWER SA TRAPIK OKs ‘YAN!

By
0 5

Kung ngayon pa lamang ay marami na ang tumitino sa mga komunidad dahil sumusunod na ang mga tao sa nais ni Presi­dent-elect Rodrigo Duterte na maging disiplinado na ang mga ito, ganito rin ang inaasahan ng isang mambabatas sa Kamara kapag binigyan ng dagdag na kapangyarihan ang susunod na pangulo para ayu­sin ang problema sa trapik sa Metro Manila.

Ayon kay Quezon City Rep. Winston Castelo, na siyang chairman ng House committee on Metro Manila development, sinusunod ng mga tao si Duterte ngayon pa lamang at puwedeng mangyari aniya ito sa lansangan kapag bibigyan siya ng dagdag na kapangyarihan.

“Presidential intervention will result in traffic discipline,” pahayag ni Castelo kaya dapat aniyang ibigay ang kapangyarihang ito kay Duterte para maibalik na ang disiplina sa kalsada lalo na sa mga motorista at mga negosyante sa mga lansangan.

Sinabi ng mambabatas na kabilang sa mga nagpapalala sa problema sa trapiko ay kawalan ng disiplina ng mga motorista subalit kapag may presidential intervention ay tiyak na titino ang mga abusadong driver.

Inihalimbawa ni Castelo ang unti-unting pagbabalik sa disiplina sa mga tao sa mga komunidad kung saan bihira na umano ang pag-inuman sa kalsada, paglalakad na nakahubad at pagkakaraoke ng hanggang madaling-araw.

Maliban dito, tiyak din na mawawala sa mga kalsada ang mga negosyante na sinasakop na mga daanan ng mga sasakyan na isa sa mga dahilan ng paglala ng problema sa trapiko sa bansa dahil nawala ang mga alternatibong ruta.

Tiyak din umano na bibilisan ng mga kontratista ang kanilang mga proyekto sa mga kalsada na karaniwang nagtatagal ng ilang buwan o kaya iniiwang nakatiwangwang lamang.

“Lahat ‘yan mawa­wala kapag may presidential intervention sa problema sa traffic,” ayon pa sa mambabatas kaya hiniling nito sa susunod na liderato ng Kamara na seryosohin ang planong bigyan ng emergency power si Duterte para maresolbahan na ang problemang ito sa Metro Manila.