Una sa Balita

Duterte tinabla si Trump

0 425

WALANG plano si Pangulong Rodrigo Duterte na du­malo sa US-ASEAN Summit na itinakda sa Marso 4 sa Amerika.

Sa panayam ng Russia Today sa Pangulo, sinabi nito na hindi siya dadalo sa nabanggit na summit na gagawin sa Las Vegas kahit pa pupunta ang mga lider sa Asya.

Maiksing ‘no’ lamang ang itinugon ni Pangulong Duterte nang tanungin siya kung pauunlakan ang imbitasyon ng White House.

Pero sa halip na si US President Donald Trump ang dapat banggitin ng Presidente na nag-imbita, si dating US President Barack Obama ang nasambit nito.

“I just received an invitation to go to the United States together with the ASEAN leaders, I was invited by Obama… No, No,” anang Pangulo.

Ikinuwento ni Pangulong Duterte sa Russia Today ang pinaghugutan nito ng galit kay Obama, matapos aniyang batikusin at tirahin siya sa kanyang press conference.

Hindi aniya naisip ni Obama na isa rin siyang lider ng isang bansa, at sa halip na banatan siya sa kanyang press conference ay dinala sana nito ang reklamo laban sa kanya sa tamang forum gaya ng United Nations.

Inamin ng Pangulo na nagalit ito sa ginawang pagkastigo sa kanya ni Obama kaya hindi nito napigilang murahin ang dating US President.

“One time when I was being criticized by Obama in a press conference. He should have realized that I was also a head of sovereign state and he should have criticized me in the proper venue. He should have brought the case to the United Nations rather than castigate a President of another country in a press con. So I get mad, so I said a lot of cuss, epitaphs ..I said son of a bitch.,” dagdag pa ng Pangulo.

Naunang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pinag-iisipan pa ng Presidente kung pauunlakan ang imbitasyon ng White House sa kanya para dumalo sa naturang summit.

Bukod dito, sinabi aniya ng Presidente na may ilang US senator na hindi natutuwang makita ang presensiya nito sa Estados Unidos, maliban pa sa posibilidad kung maiisyuhan ba siya ng visa.

Kung sakali man aniyang makakuha ng visa ang Presidente at makarating sa Amerika, wala ring katiyakan kung papapasukin siya dahil sa probisyon ng Magnitsky Law na hindi papapasukin sa Estados Unidos ang mga opisyal ng Pilipinas na may kinalaman sa pagpapakulong kay Senadora Leila de Lima.

“He said, one, he has to ponder over it. Why? because he doesn’t want to go there, and if he’s already there some US senators would be unhappy seeing him there. Number two sabi niya, ‘I do not even know if US will issue me a visa. And If I’m issued a visa, I do not know if when I arrived in the states I would be allowed entry,’” ani Panelo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More