Una sa Balita

Duterte susundin ang seniority sa pagpili ng PNP chief

0 509

MAS mahalaga umano kay Pangulong Rodrigo Duterte ang “seniority” sa pagpili ng susunod na pinuno ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

“Tinitingnan ng Pangulo kung sino ‘yung competent at honest and malaking bagay po sa kanya ‘yung seniority,” pahayag ni Go, sa pana­yam ng mga reporter, matapos mag-inspeksiyon sa New Clark City sports center sa Capas, Tarlac kahapon.

Nauna nang ibinunyag ni Go na kabilang sa ‘shortlist’ ng susunod ng PNP chief ay sina Police Lt. Generals Francisco Archie Gamboa at Camilo Pancratius Cascolan at Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Sabi ni Go, maingat umano si Duterte sa pagpipili ng susunod na lider ng pambansang kapulisan kasunod nang pagkakadawit ng pangalan ni dating PNP chief Gen. Oscar Alba­yalde sa kontrobersiyal na ‘ninja cops’ o mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng nakumpiskang iligal na droga.

“Prerogative po ni Pangulo kung sino ang kanyang pipiliin pero most likely he will follow the seniority rule,” dagdag pa nito.

Sa tatlong nasa listahan, sina Gamboa at Cascolan ang pinaka-senior dahil sila ay parehong ‘mistah’ ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986. Si Elea­zar ay kabilang sa PMA Class 1987.

Subalit giit ni Go, may iba pa pang ibang opisyal ng PNP ang kinukonsidera para sa naturang posisyon, kabilang na si Manila Police District (MPD) Director Vicente Danao.

Ihahayag ni Duterte ang susunod na PNP chief sa Oktubre 29.
Ayon kay Go, nagkaroon ng joint military at police command conference kasama si Duterte noong Martes nang gabi subalit hindi naman umano niya binanggit ang susunod na PNP chief.

Ibig sabihin nito nanatili pa ring officer-in-charge ng PNP si Gamboa (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy