Una sa Balita

Duterte superman

0 376

NANINIWALA si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dapat nang gawing President for Life si Pangulong Rodrigo Duterte kung matutupad nito ang dalawang panibagong pangako para sa bansa.

Noong Sabado ay sinabi ni Pangulong Duterte na ibaba niya sa limang minuto ang biyahe mula Cubao hanggang Makati sa loob ng anim na buwan at alisin ang flight delays sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa loob ng isang buwan.

Sinabi ni Lacson na kung magagawa ito ng Pangulo ay maituturing siyang superhuman o superman at dapat siyang manatili nang habambuhay sa pagiging Presidente ng bansa.

“If PRRD delivers on just these two promises, (1) to cut travel time from Cubao to Makati to five minutes within six months and; (2) to eliminate flight delays in NAIA within one month, for being superhuman, he deserves to be president for life,” saad ni Lacson.

Itinuturing naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang mga pangako na magandang pakinggan subalit ang tanong ay kung paano gagawin.
“Sounds good but I have no idea how yet,” saad ni Sotto.

Gayunman, kailangan din aniyang papanagutin si Pangulong Duterte kung hindi nito matutupad ang kanyang mga pangako.

“Yes, as he should be held to account for promising to solve the country’s drug problem as well as corruption that remains una­bated in some traditionally graft-ridden agencies,”diin ni Lacson.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng Task Force upang pag-aralan ang pagpapaluwag ng trapiko sa Cubao hanggang Makati habang kahapon ay nagsagawa ito ng surprise visit sa NAIA kasunod ng mga nabalitaang delay sa mga flight.

Samantala, nang hingan ng paliwanag kung paano ito magagawa ni Pangulong Duterte, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na masosorpresa na lamang ang publiko sa mga susunod na araw kung paano maaayos ang problema sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Sinabi ni Panelo na mayroong plano ang Pangulo kayat hintayin na lamang ito.

Nagmistulang komedya ang sagot ni Panelo sa tanong kung paano magiging limang minuto na lamang ang magiging biyahe mula Cubao hanggang Makati City.

“Surprise! Surprise! He has something on his sleeves,” ang maiksing sagot ni Pa­nelo.

Hindi ito nagbigay ng dagdag na de­talye pero tatanungin aniya nito si Pangulong Duterte para may maibigay ito na impormasyon sa kanyang susunod na press briefing.

Kaugnay naman sa posibilidad na irekunsidera ng 18th Congress ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte, sinabi ni Panelo na batid ng mga mambabatas ang problema sa trapiko kaya dapat alam nila kung paano tugunan ang sitwasyon.

“Well, Congress knows what is the problem, so it should know what to do to respond to a situation. After all, they’re there, just like the President, to serve the Filipino people, and that includes putting the riding public in convenient situation,” dagdag pa ni Panelo. (Dang Samson-Garcia/Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy