Una sa Balita

Duterte sobrang nag-aalala sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano

By
0 919

Nag-aalala umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa kondisyon ng mga mamamayang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal sa Batangas.

Sa isang panayam kay Senador Bong Go, sinabi nitong alalang-alala ang Pangulo matapos makita ang paunang epekto ng pagsabog pagdating nila sa Metro Manila nitong Lunes ng umaga.

Iniisip aniya ng Pangulo ang magiging epekto ng pagkaparalisa ng mga aktibidad at negosyo kasama na ang suspensiyon sa mga tanggapan ng gobyerno.

Umaasa aniya si Pangulong Duterte na sana ay hindi magtagal ang pag-aalburuto ng bulkang Taal para makabangon agad ang mga mamamayang nakatira sa paligid ng bulkan.

“Very much worried po ang Pangulo, and sabi niya kapag paralyzed po ang aktibidad, ang negosyo, ang gobyerno ay malaking kawalan po ito sa ating bayan. Sana hindi na po ito tumagal gaya ng nangyari noong 84 years ago na paulit-ulit na pumutok ang Taal Volcano. Sana hindi po tumagal,” ani Go.

Kasabay nito inatasan aniya ng Pangulo ang lahat ng ahensiya mula sa Executive Department na kumilos kaagad para tulungan at alalayan ang mga residenteng lumikas sa ngitngit ng bulkang Taal.

Partikular na inatasan ng Pangulo ang Department of Health (DOH) na tutukan ang kalusugan ng mga mamamayan na ngayon ay nasa mga evacuation center at agad na mag-distribute ng mask para hindi makompromiso ang kalusugan ng mamamayan mula sa ashfall.

“Pinapasigurado niya sa lahat ng ahensiya ng executive department tulad ng DOH na dapat tutukan kaagad lahat ‘yung mga maaapektuhan lalo na ‘yung health. Yung mga mask dapat ma-distribute agad. Ang DSWD para magbigay kaagad ng tulong lalo na sa evacuation centers, and LGUs naman ang on top dito parati. Ang ating AFP ay nag-deploy na sa lahat ng air assets ng PAF,” dagdag pa ni Go.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Energy na sikaping maibalik agad ang supply ng enerhiya sa Batangas at Tagaytay at magtulong-tulong ang lahat ng ahensiya ng gobyerno.

Sinabi ng senador na may plano ang Pangulo na mag-ocular inspection ulit sa bulkang Taal at bisitahin ang lugar subalit hindi pa sa ngayon, bagkus ay nakamonitor ito sa sitwasyon sa lahat ng mga probinsiyang tinamaan ng pagputok ng bulkang Taal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More