Una sa Balita

Duterte sinaktan, Binaboy ng ABS-CBN

0 458

NANINDIGAN si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na hindi dapat maliitin ng mga senador ang reklamo ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte laban sa ABS-CBN Corp. dahil ang pagkiling nila at pagpatol sa black propaganda ay muntik nang ikatalo nito noong 2016 presidential elections.

“I would like to correct my fellow colleague in this chamber. Hindi mababaw ang rason ng Pangulo sa kanyang ­grievances against the network,” wika ni Go sa pagdinig ng Senate Committee on Public Service sa prangkisa ng network.

“Nasaktan ang Presidente. Nababoy ang Presidente. Hindi vindictive ang Pangulo, but it is clear that someone went overboard in trying to malign him,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa dating Special Assistant to the President, na­ging neutral dapat ang network sa kanilang pagbabalita subalit sinuway pa ang court order at inere ang mga dero­gatory campaign ad ni vice president bet Antonio Trillanes laban kay Duterte noon.

Ang masaklap pa nito, hindi rin nilabas ng ABS-CBN ang campaign ad ni Duterte bilang sagot sa black propaganda ni Trillanes kahit nakapagbayad na ng P2.6 milyon.

Channel 2 boss Carlo Katigbak nag-sorry
Humihingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng ABS-CBN Corp. kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isang kontrobersyal na political advertisement na kanilang inere noong 2016.

“We are sorry if we offended the President. That was not the intention of the network, we felt that we were just abi­ding by the laws and regulations that surround the airing of political ads,” pahayag ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak.

“Today, we want to make a categorical statement that ABS has not and will not have its own political agenda,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin pa ni Katigbak na inere naman umano ng kanilang network ang higit sa P100 milyong halaga ng national ad na binayaran ni Duterte noong panahon na iyon.

Aminado naman itong nagkaproblema sila sa mga local ad kung saan hindi nila naipalabas ang halos P7 milyong halaga ng ‘spot’.

“Doon sa local ads nagkaproblema talaga kami talaga because we have two minute of airtime per hour. In the case of the local ads, the President placed an order P65 million worth of spots of which we failed to air P7M worth,” sabi ni Katigbak.

Sa P7 milyong halaga na hindi naipalabas, P4 milyon umano ang ini-refund sa kampo ni Duterte at naantala lang ang natitirang P2.6 milyon na hindi na tinanggap ng Pa­ngulo.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ipauubaya na nila kay Pangulong Duterte kung tatanggapin ang pagso-sorry ng ABS-CBN boss.

Itinanggi naman ng GMA-7 na umere sa kanilang network ang sinasabing political ad ni Trillanes na banat kay Duterte.

Inusisa naman ni Senador Lito Lapid sa mga opisyal ng ABS-CBN kung mayroon pang ibang ikinagalit sa kanila si Pangulong Duterte.
“So far hindi po namin alam talaga kung ano ‘yung mga galit ng Presidente sa ABS-CBN except po sa kung anong sinasabi niya sa speech niya, ‘yun lang alam naming mga issue ng Presidente sa ABS-CBN,” ayon naman kay Chairman Mark Lopez.

Prangkisa mapapaso sa Mayo 4
Sa Mayo 4, 2020 at hindi sa Marso 30 mapapaso ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Ito ang sinabi kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pagdinig ng Senate public services committee sa prangkisa ng ABS-CBN at anim na iba pang mga broadcasting company.

“Based on the records on our possession, the following facts are undisputed. Number one, in the case of ABS-CBN, its franchise covered by Republic Act No. 7966 enacted on 30 March 1995, provides for a term of 25 years from the effectivity of the franchise,” pahayag ni Guevarra sa komite.

Paliwanag nito, sa Section 15 ng naturang batas, nagiging epektibo ang prangkisa 15 araw mula sa petsa ng publikasyon nito sa dalawang pahayagan na may general circulation.

“The franchise was published on April 19, 1995. For that reason, the franchise will expire on May 4, 2020,” punto pa nito. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More