Una sa Balita

Duterte sa MWSS: sisibakin ko kayong lahat!

0 307

NAGBANTA si Pangulong Rodrigo Duterte na papalitan ang lahat ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa harap na rin ng problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila.

Sa kanyang pagsasalita sa campaign rally ng PDP-Laban sa Tuguegarao City, Cagayan Martes nang gabi, binatikos ng Pa­ngulo ang MWSS dahil sa kabiguan ng mga ito na paghandaan ang tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon.

Kada taon aniya ay mayroong ganitong sitwasyon sa tuwing dumarating ang panahon ng tag-init subalit hindi napaghandaan ng MWSS.

“This week i will be firing… alam mo ‘yang MWSS, seasonal ‘yan eh. It comes with regularity ‘yang El Niño na yan. P***i**, ilang taon na kayo nandiyan and when it comes walang tubig ‘yung mga tao,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na maraming inhinyerong Pinoy na mas maru­nong at kayang gawin ang trabaho sa MWSS at hindi siya mangingi­ming palitan ang mga ito.

Ang iba aniya ay nagtrabaho na sa ibang bansa at mas magaling kaya lang ay hindi sila kilala dahil hindi sila mga politiko.

“Maraming engineers dito na ga­ling sa labas na mas marunong. Hindi lang nakikilala. There are millions of Fi­lipinos waiting outside, more brighter than you, more smart kaya lang hindi nakilala kasi hindi mga politiko,” dagdag pa ng Pangulo.

Matatandaang binantaan ni Pangulong Duterte ang MWSS at Manila Water Company na ayusin ang suplay ng tubig sa Metro Manila noong huling linggo ng Marso dahil kapag wala pang tubig pagbalik sa Manila ay gagawin niyang gripo ang ulo ng mga opisyal.

Ilang oras matapos ang warning ay nagkaroon na ng suplay sa mga lugar na ilang araw na nakaranas ng krisis sa tubig. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy