Una sa Balita

Duterte reresbak sa Jolo bombing

ABU SAYYAF PULBUSIN!

By
0 700

INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdurog sa grupong Abu Sayyaf kasunod ng naganap na kambal na pagpapasabog sa Mt. Carmel Church sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 20 katao at pagka­sugat ng marami.

Sa kanyang mensahe sa pagbisita sa Jolo noong Lunes, inatasan ng Pangulo ang militar na durugin ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa kahit na anong paraan.

Kinakalawang na aniya ang mga bala ng ­kanyon kaya’t gamitin na ito sa Abu Sayyaf para makabili ng bago.

Ibinigay ng Pangulo ang go signal sa militar para bombahin ang mga natukoy na kuta ng bandidong grupo pero sikapin aniyang walang madadamay na mga inosente.

“I’m ordering you now: Pulpugin n’yo ang Abu Sayyaf by whatever means. Meron tayong helicopter, may eroplano, may mga barko. Eh ‘yung mga bala natin sa mga kanyon ninyo kinakalawang na, paputukin ninyo!” ang galit na pahayag ng ­Pangulo.

Bago aniya bombahin ang Abu Sayyaf ay paalisin muna ang mga tao at pagkatapos ay tadtarin ng bala ang teritoryo ng mga ito.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na handa ­niyang gastusan ang pagkain ng mga ililikas na tao basta masigurong madurog ang mga bandidong Abu Sayyaf.

“Ang gawin ninyo sabihin ninyo pagka bobombahin mo ‘yang lahat, paalisin mo ‘yung mga tao, ako ang gagastos ng pagkain, lahat. Tapos plan­tsahin ninyo ng bala, pulpugin n’yo ‘yang teritoryo nila,” dagdag pa ng Pangulo.

Nag-alok na ang bansang Russia, Estados ­Unidos at United Kingdom sa paglaban sa ­terorismo sa bansa matapos ang madugong pambobomba sa simbahan sa Jolo, Sulu.
Wala namang ideya si Presidential Adviser Salvador Panelo kung anong klaseng tulong ang ibibigay sa bansa. Aniya, posibleng ito ay sa pamamagitan ng military equipment, intelligence at iba pa.

“They have not said what they’re offering us. Siguro in terms of military equipments, intelligence kung meron silang impormasyon na hindi natin alam,” dagdag pa ni Panelo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy