Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Duterte probe hindi na prayoridad ng ICC?

0 139

Marahil ay magbunyi ang kampo ni Pangulong Duterte sa nasagap nating impormasyon kaugnay ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong ‘war on drugs’ campaign na kumitil sa buhay ng libo-libong Pilipino sa loob ng unang tatlong taon ng kanyang administrasyon.

Tila wala na umano sa prayoridad ng ICC na ituloy ang pag-iimbestiga kay Duterte at mga kasama nito dahil umano sa kasalukuyang kakulangan ng sapat na resources ng nasabing tanggapan na nakabase sa The Hague.

Ito ay kinumpirma ng isang mapagkakatiwalaang source sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpahiwatig na ang umano’y pag-alis ng kaso ni Duterte sa listahan ng proridad ng ICC ay mangangahulugan ng “status quo” sa imbestigasyon laban sa papaalis nang si Duterte.

Itong balita na ating natanggap ay nangyari matapos ipagpaliban ng ICC ang kanilang pagsisiyasat noong Nobyembre 2021 sa umano’y mga paglabag sa karapatang pantao na naganap sa pagpapatupad ng Duterte administration sa kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Matatandaan na noong Nobyembre 10, 2021, naghain ang pamahalaan ng Pilipinas ng “request” upang ipagpaliban ang pag-iimbestiga ng ICC at magbigay daan sa sariling pagsisiyasat na isinasagawa ng Department of Justice (DOJ) sa umano’y extrajudicial killings (EJKs) na nangyari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa ilalim ng ICC rules, ang isang gobyerno gaya ng sa Pilipinas ay pinahihintulutan na humingi ng ‘deferral” sa imbestigasyon o paglilitis kung ito ay nagsasagawa ng kaparehas na proseso.

Kung totoo man ang balitang ating nakalap, isang malaking dagok ito sa pamilya ng mga biktima na naghain ng reklamo sa ICC. Ang ICC ay isang tanggapan na nasa ilalim ng United Nations na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga kasong may kinalaman sa mga karimarimarim na krimen laban gaya ng “genocide”, “war crimes”, “crimes against humanity” at “crimes of aggression”.

Magiging sinlabo na ng tubig sa Ilog Pasig ang tsansa na mabigyan ng hustisya ang libo-libong napaslang sa ilalim ng war on drugs ni Duterte.

Dagdag pa rito ang walang katiyakang interes ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na siyasatin si Duterte dahil na rin sa alyansa nito sa anak ng huli na si Sara Duterte-Carpio na nahalal bilang susunod na bise presidente.

Naging tampulan din ng bulong-bulungan sa loob ng DFA na ito palang si Secretary Teodoro Locsin Jr. ay ineche-puwera umano sa proseso ng paghahanda na ginawa ng Malakanyang sa depensa ni Duterte sa ICC.

“Out of the loop siya,” ayon sa isang diplomat na nagpadala ng mensahe sa Diplomasiya.

Ayon sa ating DFA source, tanging si Executive Secretary Salvador Medialdea, Justice Secretary Menardo Guevara, Philippine Ambassador to the Netherlands J. Eduardo Malaya at mga abugado ni Duterte ang tahimik na nagsasagawa ng mga pagpupulong kaugnay ng proseso sa ICC.

Tinanong natin ang ating source kung ang pagkaka out-of-the-loop ba ni Locsin ay may kinalaman sa kanyang madalas na kadaldalan sa Twitter, tumawa ng malaks ang ating DFA source sabay sabi, “no comment” po tayo.

Yan ang buhay sa DFA, maraming takot magsalita.

Leave A Reply

Your email address will not be published.