Duterte pinuwesto konsehal na MinDA chief

Hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang konsehal sa Davao City bilang chairperson ng Mindanao Development Authority (MinDA).
Sa isang pahayag, kinumpirma ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang pag-upo ni Maria Belen Sunga Acosta bilang chairperson ng MinDa na may terminong anim na taon.
Si Acosta ang ika-walong MinDA chairperson at pangalawang babaeng namuno sa ahensiya.
Sa pahayag ni Nograles, umaasa aniya ang Malacañang na ipagpapatuloy ni Acosta ang mga inisyatibang isinulong at inumpisahan ng mga nakalipas na lider ng MinDA para mapaigting ang mga ginagawang pagpaangat sa pag-unlad ng Mindanao.
Nabatid na nagbitiw si Acosta bilang konsehal sa Davao City noong Martes upang pamunuan ang MinDA matapos na bitawan ni dating Agriculture Secretary Manny Piñol ang naturang puwesto noong Oktubre dahil tatakbong senador sa halalan sa Mayo 9, 2022.