Una sa Balita

Duterte pinagtripan si Gloria sa farewell dinner

0 432

Hindi nakaligtas si dating Pangulo at outgoing House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa mga pagbibiro ni Pangulong Duterte sa ibinigay na farewell dinner sa kanya sa Manila Hotel noong Martes, Hulyo 9 nang gabi.

Sa talumpati ng Pangulo, pinuri nito ang House Speaker dahil sa mga naging kontribusyon nito sa bansa at sa mga Pilipino bilang lingkod bayan ng matagal na panahon.

Sinabi ng Presidente na bilib siya sa dating Pangulo dahil sa pagiging matatag at pagpapatupad ng mga polisiya kahit pa naging daan ito para maging ‘unpopular’.

Pero sa kabila ng pagiging pormal ng okasyon ay nagawang magbiro ni Pangulong Duterte na aniya ay minsan hindi pinapakinggan ni Arroyo ang mga payo nito lalo na noong Presidente pa ito.

Ginigising aniya siya ng dating Presidente kahit madaling-araw at hihingi ng payo lalo na kapag mayroong malaking kinakaharap na hamon sa kanyang liderato, subalit hindi naman sinusunod.

Pati ang isyu ng patayan na ibi­nibintang kay Pangulong Duterte ay ginawang biro nito sa okasyon na kuwela naman sa mga bisita.

“Bilib ako sa iyo, ma’am, kasi you might want to know that even when I was mayor and for the years that President Arroyo was there, I was really working for her. Of course, wala akong pinatay na tao na utos niya. Pinatay ko na lang kasi feeling ko gusto niya,” biro ng Pangulo.

Si Pangulong Duterte ay naging anti-crime adviser ni dating Pangulong Arroyo, sa panahong kainitan ng bintang na pagkakaroon umano nito ng death squad sa Davao City.(Aileen Taliping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy