Una sa Balita

Duterte napundi kay Davao boy Evasco, sinibak

By
0 4,031

Inaksyunan na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang bangayan ng mga opisyal sa loob ng National Food Authority (NFA) at unang-unang tinamaan ng kanyang galit ang kapwa Dabawenyo na si Secretary to the Cabinet Leoncio ‘Jun’ Evasco matapos na sibakin ito sa NFA Council.

Matatandaang magkasalungat ang pahayag noon nina Evasco at NFA Administrator Jason Aquino sa tunay na kalagayan ng suplay ng NFA rice.

Batay sa ulat ng online news site na Politiko, sen­yales ito na hindi na katulad ng dati ang ‘level of trust’ ng Pangulo kay Evasco.

Ang matindi pa rito ay inihayag umano ang pagsibak kay Evasco na hindi ito kasama sa pulong ng Pangulo sa Malacañang sa ilang piling miyembro ng gabinete at mga ran­king government official.

Batay sa source ng Politiko, naka-schedule ng alas-kuwatro ng hapon ang pagpupulong ngunit may dalawang oras din na naantala ito dahil kinausap muna ni Pangulong Duterte sa Music Room ng Palasyo para komprontahin ito ukol sa confidential document na ni-leak diumano nito sa Rappler.

Pagkatapos nila mag-usap ay hindi na rin pinayagan ng Pangulo na sumama pa si Evasco sa pakikipagpulong niya sa iba pang opisyal sa Malacañang.

Sa naturang pulong ay napagpasyahan na ilagay ang NFA sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Nilinaw din ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi binuwag ang NFA Council bagkus ay isinailalim ito sa pa­ngangasiwa ng DA.

Sinabi pa ni Roque na pinulong kahapon ng Pangulo ang NFA Council kasama ang ilang rice trader at nagbigay ng mga direktiba para matugunan ang kakulangan sa suplay ng bigas ng NFA.