Una sa Balita

Duterte nagpakita sa Agusan at Butuan City

By
0 3

Makalipas ang limang araw na walang public schedule, nagpakita na kahapon si Pangulong Rod­rigo Duterte nang magtungo ito sa Agusan del Norte at sa Butuan City.

Unang nagpunta ang Pangulo sa 50th founding anniversary ng Agusan del Norte na ginanap sa University of Cabadbaran, dakong alas-4:30 ng hapon.

Sa kanyang talum­pati, nagpaliwanag ang Pa­ngulo na hindi niya i­nisnab ang Araw ng Kalayaan bagkus ay kinaila­ngan lamang umano niyang magpahinga.

“It’s not that I snubbed Independence Day. My body was overwhelmed. I really needed to rest,” paliwanag ng Pangulo.

Nitong Biyernes umano pag-uwi niya sa Davao City ay nagawa na niyang makapagpahinga.
Matapos ito ay bumisita si Duterte sa 4th Infantry Division Advance Command Post sa Barangay Bancasi, Butuan City.

Nagtalumpati rin siya sa harap ng mga sundalo at pinalakas ang loob ng mga ito sa pagsasabing huwag panghinaan ng loob sa paglaban sa mga terorista sa Marawi City sa gitna ng tumataas na bilang ng mga nasawing tropa ng pamahalaan.

“I love you all. Mahal ko kayong lahat. Nasasaktan ako kapag mayroong nadidisgrasya,” ayon kay Duterte.