Una sa Balita

Duterte: Mga tiwali sa BOC at BIR isumbong n’yo sa akin!

By
0 320

HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang grupo ng mga negosyanteng Fi­lipino-Chinese na isumbong sa kanya ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na nanghihingi ng pera kapalit ang pabor sa kanilang mga negosyo.

Sa kanyang talumpati sa mga bagong opisyal ng Federation of Filipino -Chinese Chambers of Commerce and Industry, Incorporated (FFCCCII) sa Malacañang, Martes nang gabi, sinabi ng Pangulo na talamak ang katiwalian sa burukrasya kaya kapag may nanghingi sa kanila, huwag pagbigyan at isumbong sa kanya.

Sinabi ng Pangulo sa mga negosyante na huwag matakot magsumbong dahil poprotektahan niya ang mga ito.

“Sabihin mo lang lag may manghingi, either Customs or BIR or ano…t***I** ka, tapos na ako magbayad. Sabi ni Duterte pag manghingi ka sampalin raw kita. Create a scene, bastusin mo, makakarating ‘yan sa akin,” anang Pangulo.

Mayroon na rin aniyang 8888 program sa telebisyon na puwedeng pagsumbungan basta sabihin lang ang pangalan ng director o opisyal na nanghihingi para mabigyan ng leksiyon.
Pero sinabi ni Pangulong Duterte na dapat ‘yung totoong tiwali ang i-report at huwag basta manira kung wala namang masamang ginagawa.

“Ito tulisan, palagi ‘yang hingi. Hiyain mo. Ilagay mo ‘yung pangalan nila as long as it is the truth, ‘wag naman ‘yung siraan ninyo. Siguraduhin lang ninyo ‘yung tao talagang makasalanan,” dagdag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy