Una sa Balita

Duterte medical bulletin tinabla ng Palasyo

0 437

Walang plano ang Malacañang na maglabas ng re­gular medical bulletin patungkol sa kondisyong pang­kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na dumami ang mga Pilipinong nag-aalalang may sakit ang Presidente.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naman inoobliga ng batas na maglabas ng medical update ang Presidente para ilahad sa publiko ang kondisyon ng Presidente.

Ayon kay Panelo, mag-iisyu lamang ng medical bulletin kapag ang Pangulo ng bansa ay may seryosong karamdaman at kung malubha ito.

Hindi naman aniya nakikita ito kay Pangulong Duterte dahil halos araw-araw ay nakikita ng publiko  dahil sa mga dinadaluhang pampanguluhang aktibidad sa Metro Manila at sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“It will not, because the Constitution requires serious illness. The President knows he is not in serious illness. He is not obligated to release about his condition,” ani Panelo.

Muling binigyang-diin ni Panelo na positibo ang kanilang pagtingin sa inilabas na SWS survey na aniya’y pagpapakita ng concern ng maraming mga Pinoy kay Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)