Una sa Balita

Duterte may pambato na Chief Justice — Panelo

0 413

MAY pagpipilian pa si Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na Supreme Court Chief Justice kahit pa inayawan ng tatlong mahistrado ang automatic nomination ng mga ito para sa mababakanteng pinakamataas na puwesto sa Korte Suprema.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod nang pagtanggi nina Associate Justices Marvic Leonen, Benjamin Caguioa at Senior Associate Justice Antonio Carpio sa kanilang automatic nomination.

Sinabi ni Panelo na mayroong dalawa pang mahistrado na kasama sa mga pagpipilian para ipalit sa mababakanteng puwesto ni Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin na nakatakdang magretiro sa Oktubre 18, 2019.

Kabilang dito sina Associates justice Diosdado Peralta at Estela Perlas Bernabe.

“Eh mayroon lang natira di ba? Buti sana kung wala na, nag-iisa,” ani Panelo.

Gayunman, hindi masabi ng kalihim kung sino ang napipisil ni Pangulong Duterte na ipalit sa magreretirong si Bersa­min dahil siya lang ang nakakaalam nito.

“Eh di ba the President keeps to his chest the appointees he has in mind. So, wala…walang nakakaalam,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy