Una sa Balita

Duterte may kondisyon sa EJK probe ng UN, EU

0 0

Sa naging imbitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga international critics upang imbestigan ang umano’y extrajudicial killings (EJK) ng administrasyon, naglatag ito ng kondisyon bago ito isagawa.

Ayon kay Duterte kailangan sumailalim ang paglilitis sa hurisdiksyon ng bansa.

Inimbitahan kamakailan ng Pangulo ang United Nations (UN), European Union (EU), at maging si United States President Barack Obama.

“We will do it in our jurisdiction. We will have sanctions. Because what can I do? What is the remedy available to me kung magsinungaling ka?” anang Pangulo.

Nais ni Duterte na maging patas sa kanya ito dahil noong 2007 nang siya ay Davao City mayor pa ay naglunsad na ng imbestigasyon hinggil sa Davao Death Squad na iniugnay umano sa kanya.

“From my experience, noong report sa Davao, tapos ‘yung report dito nung president na ako, and they will ask me question, and after that they will make a report, to his (UN special rapporteur Philip Alston) commission and to the assembly, then it is deliberated. Anong participation ko?” ayon pa kay Duterte.

Maliban pa rito maaaring gamitin sa paglilitis ang maling report umano ni Senator Leila de Lima, kilalang kritiko rin ng Pangulo.

“Ang kukunin na report would be all garbage coming from De Lima. Kung may kaso pa talaga, si De Lima na mismo ang gumanon sa akin. She’s passing that responsibility to another forum,” dagdag pa nito.