Una sa Balita

Duterte mas type ang Ex-General sa gabinete

0 824

ISINIWALAT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit marami siyang kinukuhang retiradong opis­yal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanyang gabinete.

Ito’y dahil sa agad na sumusunod ang mga ex-military sa kanyang utos, hindi katulad ng mga sibilyan na opisyal na bukod sa tamad ay gumagawa pa ng kalokohan.

“Karamihan ng sun—- mga generals ninyo nandiyan sa akin nagtatrabaho. As a matter of fact, the Cabinet, ‘yung gabinete ko da­lawa, tatlo na lang ka­ming Bisaya naiwan diyan. Puro Ilocano ‘yan. Puro kaibigan ko. Puro dumaan ng Mindanao at mga kilala ko. Sila — sila ‘yung… (DENR Secretary Roy) Cimatu, (DILG-OIC Secretary Eduardo) Año.” wika ng Pangulo.

“At alam mo kung bakit? Wala akong ano sa mga sibilyan. Ang mga sibilyan tamad, takot, at ‘yan ‘yung transaction,” diin ni Duterte sa pakikipag-usap niya sa mga sundalo sa Camp Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, Sulu noong Sabado.

Binanggit pa nito si retired General Eduar­do del Rosario ng Housing and Urban Development Coordina­ting Council (HUDCC) na agad nakagawa ng mga bahay sa Lanao sa loob ng maikling panahon.

“Sinabi ko, ‘Bigyan mo ako bahay na 100 houses in two months’, O nandiyan, tsaka maganda. Kaya wala akong ano except that ang gusto ko kasi sa inyo ‘pag inutusan na gawain mo ‘yan at gagawin at walang sindikato,” katuwiran ng Pangulo.

Idinagdag pa ni Duterte na hindi lang siya ang kumukuha ng maraming retired military general sa gabinete, kundi sa panahon din ni dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

“Kaya kaming mga Presidente, si Gloria pati — umaasa sa military kasi sa military kasi isang salita, isang honor. Walang lokohan ‘yan,” ani Duterte.

Hindi naman nabanggit ng Pa­ngulo ang panahon ni da­ting President Fidel V. Ramos, isa ring retiradong general at EDSA People Power hero, na nagkarga ng mara­ming ex-military sa kanyang gabinete.