Una sa Balita

Duterte maraming sorpresa sa SONA — Palasyo

0 411

Kinontra ng Malacañang ang pahayag ng mga kritiko na magiging “defensive” ang laman ng State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 22.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kilalang mahilig manorpresa ang Pangulo kaya’t ito ang dapat abangan sa kanyang SONA.

Lumutang na magi­ging defensive ang SONA ng Pangulo matapos ang naging pahayag na lelektyuran nito ang publiko sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), bukod pa sa posibilidad na mabanggit nito ang tungkol sa International Criminal Court (ICC) at sa resolusyon ng Iceland patungkol sa drug campaign ng bansa.

Sinabi ni Panelo na kahit kailan ay hindi naging defensive si Pa­ngulong Duterte sa mga isyung kinakaharap nito.

Binigyang-diin ng kalihim na malinaw ang sinabi ng Pangulo sa isa sa kanyang mga naging pahayag na nais niyang i-educate ang mga kritiko para malinawan ang isip ng mga mali ang pagkakaintindi lalo na sa isyu ng West Philippine Sea.

“No, never naman na defensive si Presidente. Sinabi niya he will educate the critics and detractors of the falsity and the wrongness of their stand,” ani Panelo.

Abogado aniya si Pangulong Duterte kaya alam nito ang batas, at marami sa kanyang mga kritiko ang hindi abogado kaya lelektyuran niya ang mga ito.
Sinabi ni Panelo na malaya naman ang mga kritiko na kontrahin ang argumento ng Pangulo at ang Korte Suprema aniya ang huling magpapasya kung mali o hindi ang posisyon ng magkabilang panig.

“He knows his law eh. Kahit naman he tells us his position, then you can counter-argue kung okay ‘yung argumento mo,” dagdag pa ni Pa­nelo.

Tinanong aniya ng kalihim ang Pangulo hinggil sa talumpati nito at ang tugon sa kanya ay “it will be a short message.”
“He is a man of surprises. I asked him, ang sagot sa akin “it will be a short message,” wika pa ni Panelo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy